2009
Ang Susi sa Panalangin
Agosto 2009


Ang Susi sa Panalangin

Mark Burns, Utah, USA

Kauuwi ko lang mula sa full-time mission at mapalad akong makakita ng trabaho na makatutulong sa aking makaipon ng pang-matrikula sa kolehiyo. Gustung-gusto kong magpakahusay sa trabaho para mahikayat na kumuha ng iba pang mga returned missionary ang boss ko.

Simple lang ang trabaho ko: Ginagawa ko ang maliliit na trabahong kailangang gawin para sa isang construction engineering company. Kadalasan nangangahulugan ito ng pagsasagawa ng mga simpleng laboratory test. Isang araw, nakatakdang kunin ko ang mga sampol ng mga materyales mula sa ilang pinagtatayuan ng gusali at ibalik ang mga ito sa laboratoryo. Binigyan ako ng isang lumang trak para mapuntahan ang mga iyon, at umalis na ako.

Dumating ako sa unang lugar, binati ang foreman, at agad kong nakita ang mga sampol ng semento at bakal. Matapos isakay ang mga ito sa trak, dinukot ko sa bulsa ang susi ng trak. Kinabahan ako, walang laman ang bulsa ko. Tiningnan ko ang ignition at naghanap ako sa paligid ng trak pero hindi ko nakita ang susi. Naisip ko na baka nalaglag ito habang iniikot ko ang lugar na pinagtatayuan ng gusali. Nang balikan ko ang dinaanan ko, tahimik akong nanalangin, pero hindi ko pa rin nakita ang susi.

Hinalughog ko ulit ang trak, at tiningnan ko pa ang ilalim ng mga sapin sa sahig. Walang susi. Yumukod ako at taimtim na nanalangin, at ipinaliwanag na gusto kong marami akong magawa at hindi maabala sa una kong tinigilan sa araw na iyon. Naghanap akong muli habang pinakikinggan ang sagot sa aking panalangin. Naisip kong tingnan ang ilalim ng trak, kaya’t alinlangan akong sumulyap sa ilalim sa may paanan ko. Wala pa rin akong nakitang susi, kaya’t nagdesisyon akong ikuting muli ang pinagtatayuan ng gusali.

Pagbalik ko sa trak, wala pa rin akong dala. Paano ko sasabihin sa bago kong boss na nawala ko ang susi at hindi ko natapos ang isang napakasimpleng gawain? Tahimik akong nanalanging muli, at muli kong naramdamang tingnan ang ilalim ng trak. Sinulyapan ko itong muli, at nang hindi ko makita ang susi, babalewalain ko na sana ang naisip ko. Ngunit nagpasiya akong lumayo nang kaunti sa trak at tumingin muli.

Bigla ko itong nakita! Nahulog siguro ito pagbaba ko ng trak. Katamtaman lang ang layo nito sa ilalim ng trak kaya hindi ko ito nakita nang dalawang beses ko itong tingnan. Nahiya ako na hindi ko pinakinggang mabuti ang mga paramdam ng Espiritu.

Sa araw na iyon at maraming beses mula noon, napagmuni-muni ko kung gaano katiyaga at kagiliw tumulong ang Espiritu sa akin. Kapag kinakanta natin ang, “Aking Ama’y buhay Ako’y mahal Niya” (“Aking Ama’y Buhay,” Mga Himno, blg. 190), tumataba ang puso ko. Namamangha ako na mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kaya sasagutin Niya ang pinakasimple nating mga dalangin.