2009
Kailan Ko Dapat Kunin ang Aking Patriarchal Blessing?
Agosto 2009


Kailan Ko Dapat Kunin ang Aking Patriarchal Blessing?

Si Janet ay 17 nang magpunta sa bahay para humingi ng patriarchal blessing. Nang mag-usap kami bago ang kanyang blessing, nalaman ko na ilang buwan na niyang hawak ang bishop’s recommend niya bago ako tinawagan para itakda ang aming pagkikita. Naghintay siya dahil natakot siya na baka may mga bagay na ipagawa sa kanyang basbas na mahihirapan niyang gawin. Nag-alala rin siya na baka hindi pa siya handa.

“Ang isang pangako mula sa Ama sa Langit ay hindi isang utos,” sabi ko sa kanya. “Ang mga pangako sa iyong basbas ay matutupad lang kung gusto at sisikapin mong mangyari ang mga ito.” Tiniyak ko rin sa kanya na bilang patriarch, hindi ko siya huhusgahan o pagagalitan. Bibigyan ko siya ng basbas.

Ano ang Patriarch?

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith, “Saanman nakatayo ang Simbahan ni Cristo sa mundo, dapat ay may Patriarch para sa kapakanan ng mga inapo ng mga Banal, gaya ni Jacob nang bigyan niya ng patriarchal blessing ang kanyang mga anak.”1

Ang stake patriarch mo ay isang tapat na lingkod ng Ama sa Langit. Inorden siya sa katungkulan ng patriarch at hahawakan ang katungkulang iyon habang siya ay nabubuhay. Karaniwan ay matanda na siya at nalalaman ang maraming bagay na haharapin mo habang lumalaki ka.

Ang tungkulin niya ay magbigay ng mga basbas. Hindi siya tagapayo, kaya hindi siya nagpapayo. Hindi siya bishop, kaya hindi siya humahatol. Kapag nagpatong siya ng mga kamay sa iyong ulunan para bigyan ka ng basbas, ang Ama sa Langit, sa pamamagitan ng mga panghihikayat ng Espiritu Santo, ay bibigyan ang patriarch ng mga ideya, konsepto, at kung minsan ay partikular na mga salita para sa iyo. Pagkatapos ay isasama ng patriarch ang mga konsepto at ideyang iyon sa iyong basbas.

Ano ang Patriarchal Blessing?

Inilarawan ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang mga patriarchal blessing bilang “[talata] mula sa aklat ng iyong mga posibilidad.”2 Kapag ipinatong ng inyong patriarch ang kanyang mga kamay sa iyong ulunan, malalaman mo na karaniwan ay kasama sa iyong basbas ang:

Isang pahayag ng awtoridad ng patriarch. Ang mga basbas ay ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood at ng inspirasyon ng Espiritu Santo.

Pagbanggit ng angkan. Bawat miyembro ng Simbahan ay nagmamana ng mga espirituwal na pagpapala at responsibilidad sa pamamagitan ng isa sa labindalawang lipi ni Israel. Sa inspirasyon ng Espiritu, ipapahayag ng patriarch ang lipi kung saan matatanggap mo ang mga pagpapalang ito. Ang liping ito ay hindi basta-basta natutukoy sa pamamagitan ng iyong lahi o nasyonalidad. Ang mga miyembro sa iisang pamilya ay maaaring magmula sa iba’t ibang lipi ni Israel. Ang angkang ito kadalasan ay may kinalaman sa mga responsibilidad mo sa kaharian ng Panginoon. Maraming miyembro ng Simbahan na nagmula sa angkan nina Ephraim, Manases, o Juda, na siyang mga karaniwang lipi ni Israel sa panahong ito ng pag-unlad natin sa pangangaral ng ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.3

Isang pansariling basbas. Sa bahaging ito ng iyong basbas, tatanggap ka ng inspiradong mga pahayag ng isang propeta tungkol sa buhay mo. Maaaring kasama sa iyong basbas ang iba’t ibang tagumpay na magkakatotoo, mga pangako ng Panginoon para sa iyo, at mga payo at babalang makatutulong para hindi ka mapahamak o mapinsala. Hindi kasama sa iyong basbas ang bawat pangyayaring magaganap sa iyo, pero kasama rito ang mga bagay na kailangan mong pakatandaan. Kung hindi mabanggit ang pagmimisyon, hindi ibig sabihin nito na hindi ka magmimisyon. Maaaring pahiwatig lang ito na ang pagmimisyon ay isang bagay na sa tingin ng Diyos ay magagawa mo kahit hindi na ito bigyang-diin sa patriarchal blessing mo.

Ang iyong basbas ay maaaring mahaba o maikli. Ang haba ng iyong basbas ay hindi sukatan ng iyong pagkamarapat.

Ang pagbabasa ng iyong basbas ay parang pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Habang binabasa mo ito, magkakaroon ka ng mga bagong ideya tungkol sa dapat mong gawin at maganda ang pakiramdam tungkol sa buhay mo. Kapag lagi mong binabasa ang iyong basbas, lalo mong mauunawaan ang kahulugan nito sa iyo.

Ang patriarchal blessing mo ay isang paghahayag na sa iyo lamang ibinibigay. Ito ay personal, sagrado, at kumpidensyal. Hindi mo ito dapat ibahagi para lamang bigyang-kasiyahan ang pang-uusisa ng iba. “Ibinigay ito sa inspirasyon ng Banal na Espiritu at dapat basahin at unawain sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ring iyon.”4

Kailan Ako Dapat Kumuha ng Patriarchal Blessing?

Sa madaling salita, pinakamainam na humingi ng basbas kapag handa ka na. Ang ibig sabihin ng pagiging “handa” ay kahandaan sa damdamin at espiritu. Malamang na dumating ito kapag tinedyer ka na. Sa panahong ito ay nagiging malaya ka na at nagsisimulang pag-isipan ang buhay at ang mangyayari sa iyo.

Darating ka sa puntong talagang nanaisin mong magkaroon ng basbas—hindi dahil kukunin ng mga kaibigan mo ang sa kanila kundi dahil nais mo ito para sa iyong sarili. Maaari itong mangyari kapag nakita mong ginagawa ng iba ang mga bagay na alam mong mali. Maaari itong mangyari kapag namatay ang isang kaibigan o kamag-anak. Maaari itong mangyari kapag narinig mo ang isang mensahe sa simbahan na umantig sa iyong puso. Maaari itong mangyari kapag binasa mo ang mga banal na kasulatan at higit kang natuto tungkol sa Tagapagligtas. Maaari itong mangyari kapag nag-iisa ka at nadama mo ang pagmamahal ng Diyos sa iyo. Maaari itong mangyari kapag malapit ka na sa edad para magmisyon, magkolehiyo, magsundalo, o magpakasal sa templo.

Paano Ako Kukuha ng Patriarchal Blessing?

Kapag handa ka nang tumanggap ng patriarchal blessing, iinterbyuhin ka ng iyong bishop o branch president. Tatanungin ka niya tungkol sa iyong pagkamarapat, tulad ng kung sinusunod mo ang Word of Wisdom, nagbabayad ka ng buong ikapu, malinis ang pamumuhay mo, at aktibo kang miyembro ng Simbahan. Gayunman, hindi mo kailangang maging perpekto para maging karapat-dapat. Ang paghahangad ng blessing at kagustuhang malaman kung paano ka mapapalapit sa iyong Ama sa Langit ay kasinghalaga rin ng pagiging karapat-dapat. Mapag-iibayo mo ang hangarin mong mabasbasan sa pamamagitan ng personal na panalangin, pag-aaral ng ebanghelyo, at pagsisikap na pakinggan ang Espiritu.

Matapos mong matanggap ang iyong basbas, bibigyan ka ng patriarch ng minakinilyang kopya. Itago ang kopyang ito sa ligtas na lugar. Huwag itong iwawala. Gayunman, kung kailangan mo ng kopya, maaari mong kontakin ang headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City.

Ang patriarchal blessing ay para sa bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Ito ay personal na kaloob sa iyo ng mapagmahal mong Ama sa Langit, na nais pagyamanin at gabayan ang iyong buhay at tulungan kang makabalik sa Kanyang piling.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (kurso ng pag-aaral sa Melchizedek Priesthood at Relief Society, 2007), 163.

  2. Karl G. Maeser, binanggit sa Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places (1975), 117.

  3. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Mga Patriarchal Blessing,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 8, 2005, 8.

  4. Dallin H. Oaks, “Mga Patriarchal Blessing,” 10.

Mga paglalarawan ni Christina Smith; Binabasbasan ni Jacob si Joseph, ni Harry Anderson; larawan ni Pangulong Faust na kuha ng Busath Photography