2009
Elder Neil L. Andersen: Lalaking may Pananampalataya
Agosto 2009


Elder Neil L. Andersen: Lalaking may Pananampalataya

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Isang gabi ng Pebrero noong 1968, natuklasan ni Neil Andersen na sa kanya nakatuon ang pansin ng lahat. Napili siya bilang high school junior na maging kinatawan ng Idaho sa Student Burgesses, isang pagtitipon ng mga estudyante mula sa 37 bansa at bawat isa sa 50 estado sa Estados Unidos. Nagtipon ang mga estudyante sa Williamsburg, Virginia, para pag-usapan ang mga hamong kinakaharap ng demokrasiya o kalayaan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang 16-anyos na si Neil, na lumaki sa isang maliit na sakahan sa Pocatello, Idaho, ay nakasakay ng eroplano, naglakbay nang malayo sa tahanan, o nakihalubilo sa maraming matatalino at marurunog na kabataan.

Habang tinatalakay nang gabing iyon ang mga paksa sa iba’t ibang panig ng mundo, naging kapansin-pansin ang pagiging miyembro ni Neil sa Simbahan. Sinimulang hamunin ng ilan sa mga delegado ang kanyang pinaniniwalaan. Noon lang tahasang natanong ang batang si Neil tungkol sa kanyang pananampalataya.

“Natatandaan kong nagdasal ako sa aking isipan na masabi ko ang mga salitang kailangan kong sabihin,” paggunita niya. “Ang sumunod ay isang munting himala para sa akin. Nasabi ko sa kanila ang higit pa sa nalalaman ko. Nadama ko ang kapangyarihan ng Panginoon habang ginagabayan Niya ako sa maselang pagpapaliwanag na ito at sa pagbabahagi ng marubdob kong damdamin. Dama ko ang Espiritu ng Panginoon habang nagsasalita ako. Pagkatapos ay nagpasalamat sila at tahimik na nagpakita ng paggalang sa mga pinaniniwalaan ko.

“Nalaman ko na may kapangyarihan at impluwensya sa sagradong gawaing ito na higit kaysa sa atin at nararapat itong ipagtanggol. Naunawaan ko na kapag tayo ay tunay at tapat, laging ‘handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa [atin] ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa [atin]’ (1 Pedro 3:15), pagpapalain tayo ng Panginoon nang lampas sa ating kakayahan.”
Ganito ang paraan ng pamumuhay ni Elder Neil L. Andersen—kumikilos nang may pananampalataya.

Isang Saligan ng Pananampalataya

Si Neil Linden Andersen ay isinilang noong Agosto 9, 1951, ang pangatlo sa limang anak nina Lyle at Kathryn Andersen. Ang ama ni Neil ay estudyante noon sa Utah State University na nag-aaral ng agricultural husbandry. Noong tatlong taong gulang si Neil, lumipat ang pamilya sa Colorado.

Tinuruan ng mga magulang ni Neil ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng sarili nilang pananampalataya at sakripisyo. Ang tirahan nila ay 90 milya (145 km) ang layo mula sa meetinghouse. Bawat Linggo ay naglalakbay sila papunta sa mga miting ng Simbahan. “Gusto naming ipakita sa aming mga anak kung gaano kahalaga ang Simbahan,” paliwanag ng kanyang inang si Kathryn.

Noong limang taon na si Neil, lumipat ang kanyang pamilya sa isang dairy farm sa Pocatello, Idaho. Nag-alaga si Neil ng mga kuneho, sumakay sa mga kabayo, at naglaro sa bukid kasama ang kanyang mga kapatid. Noong mga pitong taong gulang na si Neil, isang kunehong gustong-gusto niya ang nakalabas sa kulungan nito. Ikinuwento niya:

“Hinalughog ko ang aming munting sakahan, pero hindi ko makita ang kuneho. Naaalala kong naglakad ako sa likod ng isang lumang kamalig at nagdasal na sana mahanap ko ang kuneho.

“Pagkatapos ng panalangin, parang may nakita akong kung ano sa ilalim ng ilang tabla. At hayun nga, pinuntahan ko at nakita ko ang aking kuneho. Itinuro ng karanasang ito at ng marami pang iba sa akin na sinasagot ng Panginoon ang maliliit at simpleng panalangin nating lahat.

Ang buhay sa sakahan ng kanyang mga magulang ay nagturo kay Neil ng masipag na paggawa. “Marami akong ginatasang baka at nagbuhat ng maraming tubong gamit sa irigasyon,” sabi niya. “Naaalala ko pa na sa umaga ng Pasko bago namin buksan ang aming mga regalo, ay may ginagatasan kaming mga baka. Sa pagbabalik-tanaw, natanto ko kung gaano kahalagang matutuhan na bahagi ng buhay ang masipag na paggawa.”

Bilang binata naglaro ding mabuti si Neil sa isports. Sa hayskul sumali siya sacross-county na pagtakbo. Gayunman, itinuon niya ang kanyang lakas sa pagiging mahusay sa ibang paraan. Paggunita ng kanyang ina, “Habang nasa Highland High School, dumalo siya sa Boys State sa Boise, Idaho, at nahalal siyang governor o tagapamahala ng lahat ng iba pang mga delagado. Naging pangulo siya ng Idaho Association of Student Councils, na kinabilangan ng lahat ng mga student body officer sa hayskul sa buong Idaho.”

Bilang freshman sa Brigham Young University noong 1969, si Neil Andersen ay masigasig na estudyante. Gayunman, sabi ng kanyang kapatid na si Sheri, “kahit abala siya sa pag-aaral, naroon palagi ang plano niyang magmisyon. Ang tanging tanong niya ay kung handa na nga siyang maglingkod. Talagang humanga ako dahil para sa kanya ang pananampalataya ay pagpili.”

Naaalala pa ni Elder Andersen na idinulog niya sa Panginoon ang tanong. Sa paggunita niya kamakailan sa pangkalahatang kumperensya, nadama niyang, “Hindi mo alam ang lahat ng bagay, pero sapat na ang alam mo.”1 Taglay ang katiyakang iyon, tinanggap ni Neil Andersen ang tawag sa misyon at tapat na naglingkod sa France.

Pagkatapos ng kanyang misyon patuloy na nanguna ni Neil sa BYU. Tinagurian siyang Edwin S. Hinckley Scholar at nahirang na student body vice president.

Sa BYU din niya nakilala ang taong magkakaroon ng pinakamalaking impluwensya sa kanyang buhay: si Kathy Sue Williams. Ikinasal sila ni Kathy sa Salt Lake Temple noong Marso 20, 1975, bago siya nagtapos ng pag-aaral. Matapos maikasal dalawang taon siyang nag-aral sa Harvard University, kung saan natanggap niya ang master’s degree sa business administration noong 1977.

Pagtutuon ng Pansin sa Pamilya

Isinilang ang panganay na anak nina Neil at Kathy habang nasa Harvard, sa bandang huli ng unang taon ng kanilang pagsasama. Tatlong anak pa ang sumunod.

Sa pagdating ng mga anak, pansamantalang tumigil si Kathy sa kanyang pag-aaral ngunit hindi kailanman isinuko ang pagkakaroon niya ng degree. Ipinahayag ni Elder Andersen ang kanyang paghanga: “Noong nasa Brazil kami [kung saan naglingkod si Elder Andersen sa Area Presidency] at hindi na namin kasama ang mga bata, binuklat niya ang kanyang mga aklat, nag-aral ng Portuges, at tinapos ang kanyang degree—18 oras ng pag-aaral ng wikang Portuges. Ganyan siya kahigpit manindigan.”

Pagkatapos ng graduate school, lumipat ang mga Andersen sa Tampa, Florida, kung saan habambuhay na sana silang maninirahan, dahil dito lumaki si Kathy at dito pa rin nakatira ang kanyang pamilya. Nagtagumpay si Neil sa larangan ng negosyo, kabilang na ang real estate development, health care, at advertising. Gayunman, may ibang plano ang Panginoon para sa kanya.

Noong 1989, habang naglilingkod sa isang stake presidency, tinawag si Neil na maging mission president sa Bordeaux, France. Matapos bumalik sa Florida noong 1992, sa loob lamang ng isang buwan ay tinawag siyang maging pangulo ng Tampa Florida Stake. Nang sumunod na taon, nabigyan siya ng bagong katungkulan: sa pagkakataong ito sa Unang Korum ng Pitumpu. Noong 2005, tinawag siya sa Panguluhan ng Pitumpu. At noong Abril 2009, tinawag siya sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Sa kabila ng kaabalahan sa kanyang trabaho at mga tungkulin sa Simbahan sa loob ng maraming taon, ang katapatan niya sa kanyang pamilya ay hindi kailanman nagmaliw.

Sabi ng panganay na anak ng mga Andersen na si Camey Hadlock, “Palaging may panahon si Daddy [ang magiliw na tawag sa kanya ng mga anak] sa mga bata. Halimbawa, isa-isa niyang isinasama sa almusal ang mga anak minsan sa isang buwan. Kami ang pinapipili niya ng lugar kung saan mag-aalmusal at mga paksang gusto naming pag-usapan. Palagi naming inaasam ang kanyang buong atensiyon.”

Naaalala ni Derek Andersen na nag-uukol ng oras ang kanyang itay para makipaglaro: “Sa aming paglaki, gustung-gusto ng aming pamilya ang paglalaro ng basketbol. Uuwi siya galing sa trabaho, at magkakampi kami at kalaban namin si kuya at maglalaro kami ng basketbol.”

Naaalala ng anak na si Kristen Ebert na kahit abalang-abala ang kanyang ama, “palagi siyang may panahon para makinig at magbigay ng mabuting payo.”

Talagang napakatapat ng mga Andersen sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagkanta ng mga himno nang sama-sama bawat gabi kaya’t ginagawa iyon ng mga anak kahit sila-sila lang kapag gabing-gabi nang uuwi ang mga magulang.

Para sa family home evening, madalas pag-aralan ng mga Andersen ang mga mensahe sa kumperensya na nasa Ensign. “Malinaw na kapag nagsalita ang propeta, kami ay nakikinig,” sabi ni Derek.

Sabi ni Sister Andersen, “Si Neil ay isang taong may malalim na pananampalataya at pagmamahal sa Tagapagligtas. Ang kabaitang palagi niyang ipinakikita sa akin at sa aming mga anak ay nagdulot ng malaking kalakasan sa aming pamilya at pinuspos nito ng kaligayahan at kapayapaan ang aming buhay.”

Sa paraan ng pakikitungo sa kanya ng asawa, makikita na si Kathy ang sentro ng tahanan. Paliwanag niya, “Kinikilala at ipinadarama ni Neil ang pasasalamat sa maliliit na bagay na ginagawa ko araw-araw—mga bagay na hindi mapapansin ng maraming tao o ituturing na hindi mahalaga, tulad ng paglilinis ng bahay, paghahanda ng hapunan, o paglalaba.”

Sabi ni Kristen, “Lagi kong pinasasalamatan ang halimbawa ni Itay sa pakikitungo niya sa aking ina nang buong kabaitan at paggalang. Ipinagbubukas niya si Inay ng pinto, tinutulungan siya sa pag-upo, nagkukusang maghugas ng pinggan, at marami pang iba.”

Sabi ni Elder Andersen, “Tiyak at di nagmamaliw ang katapatan ni Kathy sa Panginoon at sa akin at sa aming pamilya. Napakarami niyang ginagawa para unahin ako at ang mga bata. Imposibleng hindi siya mahalin nang lubusan at gustuhing gawin ang mga bagay para sa kanya.

“Nang pakasalan ko siya,” dagdag pa niya, “naging napakataas ng mga pamantayan ko sa buhay —talagang palaging nagdarasal at nag-aaral ng banal na kasulatan, sinusunod ang mga kautusan nang may katumpakan. Napakalaki ng kanyang impluwensya sa akin at sa aming mga anak. Dalisay at disiplinado ang kanyang pananampalataya.”

Pinasasalamatan ni Elder Andersen ang kanyang asawa sa malakas na pagsuporta sa mga anak sa kabila ng mga hamon sa buhay. Kabilang ang kanilang misyon, ginugol nila ang 10 sa nakaraang 20 taon sa labas ng Estados Unidos, na nagpapalipat-lipat nang walong beses. “Makikita ninyo ang mga hamon na kinaharap ng aming mga anak sa paglilipat halos taun-taon: mga bagong kaibigan at kadalasan isang bagong bansa. Si Kathy ang nagbigkis sa kanila at palaging ipinaiisip sa kanila na magiging positibong karanasan ito para sa kanila.”

Nagawa namang makibagay ng mga bata. “Pinasasalamatan namin ang mga sakripisyo ng mga anak namin sa mga taong iyon. Sobrang pinagpala sila ng Panginoon ng kagila-gilalas na mga asawa at mga anak,” sabi ni Elder Andersen.

Pagtitiwala sa Panginoon

Nang tawagin ni Pangulong Thomas S. Monson, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan, si Neil Andersen na maglingkod bilang mission president, ang pagtanggap sa tawag na iyon ay nangailangan ng sakripisyong pinansiyal. Nagmay-ari si Neil ng isang maunlad at lumalagong advertising agency. “Hindi iyon negosyo na madaling ipagkatiwala sa iba,” paliwanag ni Elder Andersen. “Tinanggap namin ang tungkulin nang hindi nalalaman kung paano gagawin ang pagbabago.”

Dagdag pa ni Sister Andersen, “Noon pa man ay tiwala na ako sa kanyang pananampalataya. Palagi niyang tinitiyak sa amin: ‘Kung uunahin natin ang Panginoon, ituturo Niya ang daan, at susunod ang mga himala.’”

Sa loob lamang ng ilang linggo biglang may nag-alok na bilhin ang negosyo. “Malinaw na kamay iyon ng Panginoon na kumilos sa mahimalang paraan,” sabi ni Elder Andersen.

Ang prinsipyong ang gawain ng Panginoon ay gawain ng mga himala ay palaging itinuturo noon sa mga misyonero sa France. Si Kurt Christensen, na naging misyonero sa ilalim ng pamamahala ni President Andersen, ay nagpaliwanag, “Palagi niyang itinutuon ang aming pananaw sa mga pagpapalang hangad ng Panginoon para sa France. Tinuruan niya kami ng tungkol sa dalisay na pananampalataya at pagsunod nang may katumpakan, at ibinuhos sa amin ng Panginoon ang Kanyang mga himala.”

Saanman madestino ang mga Andersen—kanlurang Europe, Brazil, Mexico, at kahit saan—minahal nila ang matatapat na miyembro ng Simbahan at nagsikap na mabuti para matutuhan ang wika sa mga bansang iyon. Minsan, nang punahin ni Kathy ang maraming oras na iniuukol ni Neil sa pag-aaral ng mga wika, sinabi nito na binigyan siya ng espirituwal na kaloob at inaasahan ng Panginoon na magsisipag siyang mabuti para makamit ang kaloob na iyon. Ngayon si Elder Andersen ay nakapagsasalita ng French, Portuges, at Espanyol.

Pagsunod sa mga Kapatid

“Sa loob ng 16 na taon ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ay naging mga halimbawa at guro ko,” paliwanag ni Elder Andersen nang magsalita siya sa pangkalahatang kumperensya matapos siyang matawag sa Labindalawa. “Nadama ko ang kanilang pagmamahal at tiyak na patotoo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak. Nakita kong walang-maliw nilang inuuna ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos na napasakanila, at pinalakas at itinaguyod sila. Nasaksihan ko ang katuparan ng kanilang malapropetang tinig.”2

Habang naglilingkod noon si Elder Andersen bilang Executive Director ng Church Audiovisual Department, halos linggu-linggo niyang kapulong si Pangulong James E. Faust (1920–2007). “Minsan pinuntahan ko si Pangulong Faust taglay ang isang matinding problema na hindi ko alam lutasin,” paggunita ni Elder Andersen. “Sabi niya sa akin, ‘Neil, ipinagdasal mo na ba ito? Magdamag ka na bang nagdasal tulad ng ginawa ni Enos?’ At sumandal siyang muli sa kanyang upuan at sinabi, ‘Maraming beses na akong nagdasal nang magdamag para tumanggap ng sagot sa napakahirap na mga hamon. Ganyan mo ring matatanggap ang kasagutan.’ Tama siya.”

Sa panahong ito pinamahalaan ni Elder Andersen ang paggawa ng pelikulang The Testaments of One Fold and One Shepherd; na unang itinanghal sa Mormon.org, ang missionary Web site ng Simbahan; at ang instalasyon ng mga audiovisual system sa Conference Center sa Salt Lake City.

Sa mga karanasang ito kinilala ni Elder Andersen ang patnubay ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa. “Ituturo ng mga Kapatid sa iyo ang tungkol sa kapangyarihang espirituwal. Hindi lamang nila ituturo sa iyo ang mga katotohanan; itinuturo nila kung paano unawain at pakinggan ang Panginoon. Natututo kang maging lingkod ng Panginoon.”

Paglilingkod sa Isang Tao

Sabi ni Elder Andersen, “Si Pangulong Monson ay kahanga-hangang guro para sa akin at sa iba, dahil tinuruan niya kaming tulungan ang iba tulad ng nais ng Tagapagligtas. Palagi niyang binibigyang-diin na walang kagalakang hihigit pa sa pagkaalam na ikaw ay naging kasangkapan sa kamay ng Panginoon para masagot ang isang tapat na dalangin.”

Natanim na mabuti sa pagkatao ni Elder Andersen ang mga alituntuning ito.

Nagunita ng ina ng isang binata na sandaling nakilala ni Elder Andersen na minsan ang kanyang anak “ay halos sirang-sira na ang loob at patang-pata na ang katawan” nang makita niya sina Elder at Sister Andersen na nakaupo sa isang mesa sa isang cafeteria. “Sinabi sa amin kalaunan ng aming anak, ‘Hindi ko malalapitan ang kahit sino, pero nang makita ko si Elder Andersen, alam kong mahal niya ako, at kaagad akong tumayo mula sa aking upuan at lumapit sa kanya.’”

Sa kabila ng teribleng pagbabago sa anyo ng binata sanhi ng kanyang problema noon, nakilala siya ni Elder Andersen at tinawag siya sa kanyang pangalan. Isinama pauwi nina Elder at Sister Andersen ang binata, pinakain, at kinausap siya. Pagkatapos, kahit hatinggabi na, ilang oras na nagmaneho si Elder Andersen para ihatid pauwi ang binata.

“Hindi doon nagwakas ang impluwensya ni Elder Andersen,” paliwanag ng ina. “Ngayon, ilang taon na ang nakalilipas, nakikipagkita pa rin siya sa aming anak, interesado pa rin sa kanyang buhay. Iniligtas niya ang aming anak.”

Minsan, habang nakaupo sa isang ospital si Elder Andersen, napansin niya ang isang 26-anyos na pasyente na si Lora McPherson, na nagpapagaling mula sa operasyon kaugnay ng kanser. Ikinuwento ng kanyang inang si Nancy:

“Binigyan siya [ni Elder Andersen] ng basbas ng priesthood, pinadalhan siya ng kopya ng mga mensahe mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, at sa huli ay hiniling kay Lora na ibahagi nito ang kanyang kaisipan sa mga bagay na pinasasalamatan niya, na ginamit niya sa isang pananalita sa BYU–Hawaii.

“Habang nagpapagaling si Lora, inimbita siya ni Elder Andersen na magpunta sa kanyang opisina, at inilibot siya sa Church Administration Building.

“Makalipas ang ilang buwan, nang halatang kaunti na lang ang itatagal ng buhay ni Lora, binigyan ni Elder Andersen si Lora ng isang magandang basbas, na nagdulot sa kanya ng malaking kapanatagan sa paghihintay ng kanyang pagpanaw sa buhay na ito tungo sa kabilang buhay. Bandang huli ay inayos niya ang iskedyul ng kanyang biyahe para makapagsalita sa burol ni Lora.

“Hanga kami sa kakayahan ni Elder Andersen na gampanan ang kanyang mga tungkulin sa mundo at sa kanyang pamilya at magkaroon pa rin ng panahon para sa isang taong nangangailangan. Siya ay tunay na halimbawa ng payo ng Tagapagligtas na hanapin at paglingkuran ang mga nangangailangan.”

Isang Tagapaglingkod ng Panginoon

Sa pagsasalita tungkol sa tungkulin ng kanyang ama bilang isang Apostol, sinabi ng anak na si Brandt, “Ang tungkuling ito ay nakapagpapabago ng buhay, ngunit hindi na nito babaguhin ang buhay ng aking mga magulang. Kahit kami-kami lang o sa harap man ng publiko pareho lang sila.” Sasang-ayon dito ang lahat ng nakakikilala kay Elder Neil L. Andersen.

Mapalad ako na naging malapit ako kay Elder Andersen sa kanyang paglilingkod bilang General Authority. Ang pananampalatayang taglay niya noong bata pa siya ay taglay pa rin niya ngayon. Itinuturo niya ang ebanghelyo nang may katatagan, dahil matapat niyang sinusunod ang bawat aspeto nito sa kanyang buhay. Talagang napakatalino ng kanyang payo. Napagmasdan ko na pinagkalooban siya ng malapropetang pananaw na batid kong uunlad lamang sa balabal ng kanyang bagong tungkulin bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo.

Sa pagsisimula niya sa sagradong paglilingkod na ito, mapagpakumbabang sinabi ni Elder Andersen: “Napanatag ako na sa isang kwalipikasyon para sa banal na pagkaapostol na hindi mababago, ako ay lubos na pinagpala ng Panginoon. Alam ko nang walang pag-aalinlangan at buong linaw sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na si Jesus ang Cristo, ang Pinakamamahal na Anak ng Diyos.”3

Mga Tala

  1. Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” Liahona, Nob. 2008, 13.

  2. Neil L. Andersen, “Lumapit sa Kanya,” Liahona, Mayo 2009, 79.

  3. Neil L. Andersen, Liahona, Mayo 2009, 78.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Andersen, maliban kung iba ang nakasaad; background at dulong kaliwa: ni Craig Dimond

Kabilang pahina, mula kaliwa pakanan: Si Neil L. Andersen ngayon at bilang tinedyer sa hayskul sa Pocatello, Idaho. Itaas, mula kaliwa pakanan: Si Neil (gitna) kasama ang kanyang mga magulang na sina Kathryn at Lyle, at mga kapatid na sina Lauri, Sheri, at Alan, 1962; si Neil noong bata pa siya sa sakahan sa Idaho. Ibaba: Si Neil bilang misyonero sa France, 1970–72.

Itaas: Sila Neil at Kathy sa araw ng kanilang kasal, 1975, sa Salt Lake Temple. Kanan: Sina Neil at Kathy kasama ang kanilang mga anak na sina Brandt, Derek, Camey (Hadlock) sa likuran, at Kristen (Ebert), sa Tampa, Florida, 1988. Kabilang pahina: Ang pamilya Andersen sa France habang naglilingkod noon si Elder Andersen bilang mission president, mga 1990.

Kaliwa: larawang kuha ng Village photographers, Tampa, Florida

Kaliwa: larawang kuha ni Christina Smith; kanan: larawang kuha ng Quinn Farley Photography, Salt Lake City, Utah

Kabilang pahina, mula kaliwa: Kasama ni Pangulong James E. Faust kasunod ng paggawa ng pelikulang The Testaments of One Fold and One Shepherd noong 2000; nagsasalita sa isang pagdiriwang kaugnay ng muling paglalaan ng São Paulo Brazil Temple noong 2004; bilang mission president kasama ni Pangulong Boyd K. Packer habang nililikha ang Bordeaux France Stake noong 1992; kasama ni Elder D. Todd Christofferson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009. Kanan: Sina Elder at Sister Andersen kasama ang mga anak at mga apo noong 2006.