2009
Maligayang Kaarawan, Pangulong Monson!
Agosto 2009


Maligayang Kaarawan, Pangulong Monson!

Noong nakaraang Agosto, nang tanungin kung ano ang magandang regalo para sa kanya, hinikayat tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na “maghanap ng taong naghihirap, … at gumawa ng isang bagay para sa kanila.”1 Sa taong ito ibinaling ng mga bata sa buong mundo ang kanilang puso at mga kamay sa pagtulong sa iba para ibigay kay Pangulong Thomas S. Monson ang pinakagusto niya.

Napakaraming bata ang tumugon sa panghihikayat ni Pangulong Monson na maglingkod sa iba. Ilan lamang sa mga liham na natanggap namin ang aming maililimbag. Ngunit lahat kayong mababait na bata ay nagbahagi ng paglilingkod sa inyong pinakamamahal na propeta, at lahat ay bumati sa kanya ng maligayang kaarawan sa buwang ito!

Tinulungan ko ang isang pamilya sa pagbibigay sa kanila ng mga bagay na hindi ko nagamit at mga laruang maayos pa. Maganda ang pakiramdam ko nang gawin ko ito. Katulad iyon ng ginagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin. Tinutulungan Nila tayo sa ating mga hamon at binibigyan tayo ng maraming pagpapala.

Alma V., edad 11, Capital District, Colombia

Nagtipon ang mga bata sa Oakridge Farms Ward, Farmington Utah Oakridge Stake para sa isang aktibidad kung saan nagtali sila ng mga quilt. Ang mga quilt ay ibinigay kalaunan sa Humanitarian Center ng Simbahan.

Ako at ang kapatid kong si Maximo ay tinulungan ng aking ama na gumawa ng ilang pamingwit para sa mga kaibigan ko sa Primary. Mahilig mangisda ang pamilya namin. Tuwing yayayain kong mangisda ang ilang kaibigan namin, wala silang gamit sa pangingisda. Masaya akong makita na napakasaya ng marami sa kanila ngayong may sarili na silang pamingwit.

Luciano N., edad 9, Entre Ríos, Argentina

Napakalamig sa bayang tinitirhan ko. Para hindi ginawin ang mga misyonero, naghabi ako ng bandanang pangginaw sa tulong ng nanay ko.

Mirai H., edad 10, Hokkaido, Japan

Natuto akong magbasa noong limang taong gulang ako. Ngayon ginagawa ko sa nakababata kong pinsan ang ginawa ng mga magulang ko sa akin—tinuturuan ko siyang magbasa sa pamamagitan ng paggamit ng mga banal na kasulatan.

Nicolas N., edad 7, São Paulo, Brazil

Ang kaibigan ko ay taga-Peru, pero ilang taon na siyang naninirahan sa Italy. Apat sa mga kapatid niyang lalaki at babae ang nabinyagan, at noong Oktubre naging miyembro din ng Simbahan ang nanay niya. Gusto nang magpabinyag ng kaibigan ko. Nagpatulong sa akin ang mga misyonero na ihanda siya para sa binyag. Kaya’t naroon ako sa bawat pagtalakay nila ng ebanghelyo sa kanya. Umaasa akong mabinyagan siya sa lalong madaling panahon.

Eleonora A., edad 11, Piedmont, Italy

Noong bakasyon namin, nauhaw kami. Humingi ako ng kaunting pera sa nanay ko para ipambili ng tubig. Nang papalabas na ako ng tindahan, nakita ko ang isang lalaking naghahalungkat ng tubig na maiinom sa basura. Tumingin ako sa kamay ko. May sukli pa, kaya ibinili ko siya ng isang boteng tubig.

Orson B., edad 10, Sonora, Mexico

Nabalian ng binti ang kaibigan kong si Jonah. Matagal siyang naka-wheelchair. Araw-araw tinutulungan ko siya sa pagtulak sa wheelchair niya tuwing tanghalian, recess, o saanman niya kailangang pumunta. Talagang masaya akong matulungan ang kaibigan ko.

Emma S., edad 8, Arizona, USA

Ako ay isang musmos na mahilig maglingkod. Mahilig akong magluto, at gusto kong gumawa ng waffles kasama ang lola ko. Gusto ko ring bigyan ng waffles ang mga kapitbahay ko.

Jonas V., edad 5, Wallonia, Belgium; isinulat sa tulong ng kanyang ina

Tala

  1. Sa Gerry Avant, “Prophet’s Birthday: Milestone of 81,” Church News, Ago. 23, 2008, 4.

Larawan ng noisemaker ni Tamra Hamblin; larawan ng keyk © Getty Images