2009
Mahalin ang Inyong Bansa
Agosto 2009


Pakikipagkaibigan

Mahalin ang Inyong Bansa

Mahal ng mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang bansa at sinusunod ang batas—tulad ninyo! Sa buwang ito, kilalanin natin si Nicole Ritfield ng Paramaribo, Suriname.

Ang labing-isang-taong-gulang na si Nicole Ritfield ay nasisiyahang manirahan sa lalawigan. Ang kanyang pamilya ay nakatira malapit sa kabukiran at kagubatan na puno ng mga palumpong, puno, at bulaklak. Mahilig magbisikleta si Nicole, at mabilis siyang pumadyak sa pedal kahit malupa at madamo habang iniiwasan ang mga lawa.

Pero natutuwa rin si Nicole sa mga aktibidad sa kalapit na Paramaribo, ang kabisera ng Suriname. Mahilig siyang tumingin sa dikit-dikit na mga bahay at mga sasakyan, scooter, at bisikletang nagsisiksikan sa daan. Sa gitna ng kabayanan ay may parkeng tinatawag na Palmentuin (Halamanan ng mga Palma), kung saan nakawagayway ang watawat ng Suriname sa araw at madalas na napapalamutian ng mga bulaklak ang mga bantayog.

Isang Nagwaging Sanaysay

Mahal ni Nicole ang Suriname. Kaya’t nang marinig niya ang pambansang paligsahan sa pagsulat ng sanaysay tungkol sa kanyang bansa, tila magandang gawin ito. Ipinalalarawan ng mga patakaran sa paligsahan kung ano ang gagawin niya kung siya ang Kalihim ng Turismo. Sa kanyang sanaysay iminungkahi niya na dapat linisin at pagandahin ang mga makasaysayang gusali sa Suriname at dapat maging mas magiliw ang mga mamamayan ng Suriname sa mga bisita.

Nanalo si Nicole sa paligsahan para sa mga kaedad niya at nagbiyahe papuntang Puerto Rico para makipagpaligsahan sa iba pang mga nanalo mula sa ibang bansa. Talagang nasiyahan si Nicole sa biyahe niya papuntang Puerto Rico. “Magandang bansa ito,” sabi niya. “Napakabait ng mga tao roon, at marami akong naging kaibigan. Pero siyempre, iba pa rin sa sariling bansa mo.” Sabik siyang muling makapiling ang kanyang mga magulang at apat na ate niya. At sabik na siyang makita ang alaga niyang pusang si Rosy!

Dumadalo si Nicole sa Wanica Branch ng Paramaribo Suriname District. Sa simbahan, kilala siya ng mga tao bilang isang bata sa Primary na mabait at kaaya-aya, laging nagpapakita ng halimbawa ng pagiging mapitagan.

Mga Paboritong Banal na Kasulatan

Isa sa mga paboritong banal na kasulatan ni Nicole ang 1 Nephi 8:30, na nagkukuwento tungkol sa gabay na bakal. “Alam ko na kung hahawak tayo nang mahigpit sa gabay na bakal, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit,” sabi niya.

Espesyal din ang kahulugan ng ikalabindalawang saligan ng pananampalataya kay Nicole. Pagbigkas niya, “Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas.”

Igalang at Sundin

May mga tuntunin din ang mga pamilya na dapat igalang at sundin ng mga kapamilya. Ayon kay Nicole tinulungan siya ng kanyang ina, ama, at mga ate na matutong piliin ang tama. “Itinatama nila ako kapag mali ako at pinupuri ako kapag gumawa ako ng mabuti,” wika niya.

Hindi laging madali ang maging bunso. Mahirap ito lalo na kapag nakikita niyang umaalis ang kanyang mga kapatid at naiiwan siya sa bahay. Pero alam niyang mahal siya ng kanyang pamilya at nagkakasundo sila.

Isang halimbawa ay kapag kumakanta sila. Mahilig sa musika si Nicole. Gusto niyang kumumpas sa tugtog, at likas ang kakayahan niyang panatilihing nasa tiyempo at tono ang lahat.

Bansa at Lungsod

Sa gabi mahilig makinig si Nicole sa huni ng mga kuliglig at sa kokak ng mga palaka at sa mga ingay sa kakahuyan sa paligid ng kanyang bahay. Gusto rin niyang isipin ang lungsod, na may mga gusali ng gobyerno at karatula sa daan, mga tindahan ng bulaklak at pagkain. Masaya siya sa kanyang kinaroroonan. At nagpapasalamat siya na, sa pagsulat ng mga ideya niya, naibabahagi niya ang pagmamahal niya sa sariling bansa sa mga tao sa buong mundo.

Saang Lugar sa Mundo ang Paramaribo, Suriname?

Larawan
map of Suriname

Paramaribo

Suriname

Brazil

Guyana

Venezuela

Colombia

Mapa na gawa ni Thomas S. Child; globo © Mountain High Maps

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Kaliwa: Nanalo si Nicole sa isang paligsahan sa pagsulat tungkol sa kanyang bansang Suriname. Kanan: Si Nicole ang bunso sa kanyang pamilya. Gusto niyang magkaroon ng journal na may mga drowing.