2009
Pag-iingat sa Panganib na Nagmumula sa Loob: Ang Alamat ng Mixco Viejo
Agosto 2009


Pag-iingat sa Panganib na Nagmumula sa Loob Ang Alamat ng Mixco Viejo

Habang nagpapahinga mula sa paghihinang, inangat ni Byron Iquic ang visor niya at pinunasan ang pawis sa kanyang noo. Si President Iquic, pangulo ng San Juan Branch, Guatemala City Florida Stake, ay nagtatayo ng bagong bahay para sa kanyang asawang si Etelvina at apat na anak nila.

Mahal niya ang kanyang pamilya at gusto niyang maging komportable ang bahay, pero gusto rin niyang maging ligtas ito at matibay. Ang mga kandado, ilaw, at matitibay na bubong at dingding ay ilan lamang sa mga poprotekta sa kanyang pamilya laban sa tao at kalikasan.

Habang binabanggit niya ang tungkol sa pagprotekta sa mahal niyang pamilya, huminto siya. Dahil pamilyar si President Iquic sa alamat ng Mixco Viejo, nauunawaan niya na gaano man kaligtas ang bahay sa mga elemento sa labas, ang pinakamalalaking panganib sa kanyang pamilya ay magmumula sa anumang papapasukin ng kanyang pamilya.

Ang Pagbagsak ng Mixco Viejo

Ang Mixco Viejo, isang gumuhong lungsod malapit sa bahay ng mga Iquic, ay nagsimula noon pang a.d. 900. Bago ito bumagsak halos 500 taon na ang nakararaan, napakagandang tanawin siguro nito. Ang matibay na lungsod ay nasa tuktok ng magkakasunod na matataas na burol na may matatarik na daanan sa lahat ng gilid. Tinataya ng mga arkeologo na minsan ay naging tahanan ng mahigit 1,500 katao ang lungsod, at may 7,000 pa sa mga lambak sa paligid.

Hindi tiyak ang ilang bahagi ng kasaysayan ng pagbagsak ng Mixco, ngunit maraming matututuhan sa alamat. Noong 1525 sinakop ng Kastilang manlulupig na si Pedro Alvarado ang Mixco Viejo. Mahigit isang buwang tinangkang sakupin ng mga Kastila at ng kanilang mga kapanalig sa lugar na iyon ang lungsod, at maraming namatay sa kanila. Gayunman, ang Mixco Viejo ay nanatiling tahanan ng mga mamamayan nito na hindi mapasuk-pasok ng mga dayuhan.

Ngunit ayon sa alamat may isa pang daan papasok—isang lihim na lagusan papasok sa lungsod mula sa isang medyo malayong kuweba, isang lagusang maaaring inakala ng mga tao ng Mixco Viejo na di na kailangang bantayan dahil maliit ito at tagung-tago.

Natuklasan iyon ng mga Kastila. Sinamantala nila ang maliit na siwang na iniwan ng mga tao sa kanilang mga tanggulan, na ikinagulat ng mga mamamayan ng lungsod mula sa loob at ikinawasak ng Mixco Viejo.

Pagtukoy sa mga Kahinaan

Naniniwala si President Iquic na ang mga tahanan at pamilya ay gaya ng Mixco Viejo—nasa espirituwal na pananakop kung saan si Satanas ay “naki[ki]digma sa mga banal ng Diyos, at pina[li]ligiran sila” (D at T 76:29).

“Laging naghahanap ng mapapasukan ang kaaway,” sabi ni President Iquic. “Dapat tayong maging handa.”

Walang pisikal o espirituwal na dingding na makapipigil sa pagpasok ng isang kaaway na nakakita ng isang pintuang walang bantay. Nagbabala na ang mga propeta ng Diyos tungkol sa mapanganib na mga siwang na maaaring mapasukan ng mga kaaway gaano man katibay ang dingding. Marami sa mga pintuang ito ang nauukol sa ating pinanonood, pinakikinggan, at pinag-uukulan ng panahon. Gayunpaman, matapos nating marinig ang babala ng mga propeta, nasa atin na ang desisyon kung ano ang gagawin.

Pagpapatatag sa Ating Pamilya

Mahalaga ang Espiritu Santo sa paghatol natin kung nakapagpapalakas ba o nakapagpapahina sa atin ang ating ginagawa.

“Ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag … ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi,” sabi ni Mormon. “Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:15–16).

“Kailangan natin ang paggabay ng Espiritu Santo,” sabi ni President Iquic. “Dapat nating ibilang sa buhay natin ang mga bagay na nag-aanyaya sa Espiritu Santo at alisin ang mga bagay na nagpapalayo sa Kanya.”

“Malinaw ang pamantayan,” pagtuturo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong bagay na naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. … Ang pagtanggap sa ‘Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay’ (D at T 45:57) ay posible at mahalaga para sa ating espirituwal na pag-unlad at pagkaligtas sa patuloy na pagsama ng daigdig.”1

Muling Pagtatayo ng mga Pader

Ngayon, sinisikap ipreserba at muling itayo ng mga tao ang mga guho ng Mixco Viejo—isang napakahirap na gawain makalipas ang 500 taon.

Sinisikap nina President at Sister Iquic na ipreserba at patatagin ang kanilang pamilya laban sa mundo, isa ring napakahirap na gawain ngunit posible sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya (tingnan sa D at T 10:5), pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya (tingnan sa 1 Nephi 15:23–24), family home evening (tingnan sa 2 Nephi 25:26), at pagtuturo ng kahalagahan ng pagsunod (tingnan sa D at T 88:34).

Itinuturo din nina President at Sister Iquic ang pagsisisi dahil nauunawaan nila na kahit ano pa ang gawin nila at ng kanilang pamilya para protektahan ang kanilang sarili, maaaring may mga pintuan pang hindi nababantayan. At sa mga sandali ng kahinaang sanhi ng panggagambala, maaaring may magkamali.

Sa paghahanda para sa mga sandaling iyon, nauunawaan nina President at Sister Iquic na kailangan nilang turuan ang kanilang mga anak hindi lamang ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala kundi pati na rin ng pagsisisi (tingnan sa D at T 68:25) upang kapag nagkamali ang kanilang mga anak, makilala nila ang kanilang pagkakamali at malaman kung paano aayusin ito.

“Laging naririyan ang tukso,” sabi ni President Iquic. “Aminin natin ang ating mga pagkakamali at magsisi kaagad, dahil kung hindi ay hahadlangan ng mga ito ang ating pag-unlad at ilalayo tayo sa proteksyon ng Espiritu.”

Habang palubog ang araw at iniisip ang alamat ng Mixco Viejo, itinabi ni President Iquic ang kanyang mga gamit at tinipon ang kanyang pamilya para manalangin laban sa tumitinding kadiliman.

Tala

  1. David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Liahona, Mayo 2006, 30.

Kasabay ng pagsisikap na protektahan ang kanilang mga anak sa espirituwal na panganib, tinuturuan sila nina Byron at Etelvina Iquic tungkol sa pagsisisi kung sakaling makalusot ang kaaway sa mga tanggulan ng pamilya.

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson

Itaas: Binisita nina Byron at Etelvina Iquic at ng kanilang mga anak (mula kaliwa) na sina Briseida, Byron, Glenda, at Nelson ang guho sa Mixco Viejo sa Guatemala. Ayon sa alamat nalupig lamang ang napakatibay na lungsod na ito nang makakita ng lihim na pasukan ang kaaway.