2013
Africa—Kontinente ng Maningning na Pag-asa
Disyembre 2013


Africa

Kontinente ng Maningning na Pag-asa

Ang pananampalataya at pagsunod ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Africa at Madagascar ay nagpapakita ng halimbawa sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako.

“Madaling mahalin ang mga mamamayan ng Africa,”1 sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Freetown, Sierra Leone, sa isang tungkuling kinabilangan din ng mga pagbisita sa Liberia at Ghana.

Sinabi niya na ang pananampalataya at pagsunod ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Africa, na nagmula sa pagmamahal nila sa ebanghelyo, ay nagpapakita ng halimbawa sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Kahanga-hanga, sabi ni Elder Holland, “na makita kung gaano kahalaga ang ebanghelyo sa kanila, na makita ang nagawa nila rito, kung paano nila ito itinatangi, na makita ang katapatan nila sa ikapu at sa paglilingkod, sa pagpunta sa templo—itinuturing kong pinakamataas na mithiin ang makapunta sa templo—at makita silang pinalalaki ang kanilang mga anak sa Simbahan at ipinadadala ang kanilang mga anak sa misyon. Ito ay napakagandang katibayan ng kanilang katapatan.”2

Habang Nakamasid Kayo

Pinuna ni Elder Holland na, maliban sa South Africa (kung saan inorganisa ang isang stake noong 1970), wala pang 30 taon sa Africa ang Simbahan. Dahil diyan, ang Simbahan dito ay “itinatag habang nakamasid kayo, sa napakaikling panahon,” at “ang Africa ay isa sa mga espesyal na lugar na iyon kung saan ninyo makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang kagandahan at ang himala ng Panunumbalik, na literal na nabuo habang nakamasid kayo.”3

Hindi raw niya malilimutan ang pagpunta niya sa Accra, Ghana, kasama si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), nang ibalita niya na isang templo ang itatayo roon. “[Ang mga tao] ay nagtayuan at nagpalakpakan, nanangis at nagsayawan, nagyakapan, at nag-iyakan. At sa isang paraan, patuloy pa rin ang diwang iyon. Iyan ang gusto ko sa mga African—ang kanilang walang-hangganang kagalakan sa ebanghelyo. Karamihan ay halos walang-walang kabuhayan, ngunit nang mapasakanila ang ebanghelyo, lubos nila itong tinanggap at sinunod. … At sinusunod pa rin nila ito. Sinusunod nila ito hanggang ngayon.”4

Natupad ang mga Propesiya

Sinasabi ng ibang mga propeta at apostol na tumupad ng tungkulin sa Africa na ang kontinente ay isang lugar kung saan literal na natutupad ang mga propesiya ng Panginoon.

“Ang mga African ay mababait at matiyaga,” sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kasunod ng pagbisita sa mga miyembro ng Simbahan sa Mozambique at Nigeria. “Wala silang gaanong kinikita o kabuhayan para magawa nila ang mga bagay na kailangan nilang gumastos, kaya ginagawa lang nila ito sa sarili nilang sikap. Maglalakad sila nang milya-milya upang maisagawa ang isang bagay na ipinagagawa sa kanila ng Espiritu Santo para isulong ang gawain.”5

Napansin ni Elder Scott na noong 1999, nang ilaan niya ang Mozambique para sa pangangaral ng ebanghelyo, 40 miyembro lamang ang naroon, at ang bansa ay bahagi ng South Africa Johannesburg Mission. Sa pangalawa niyang pagbisita, noong Enero 2011, ang Simbahan sa Mozambique ay may mahigit nang 5,000 miyembro sa dalawang district at 19 na branch na nagpupulong sa buong bansa. Ang Mozambique ay headquarters din ng Mozambique Maputo Mission, na kinabibilangan ng bansang Angola.6

Nagsisimula Pa Lang ngunit Lumalago

“Nagsisimula pa lang tayo rito,”7 sabi ni Elder Russell M. Nelson, miyembro din ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang bumisita siya sa Madagascar, Malawi at Kenya. “Minamasdan natin ang pagkilos ng Panginoon sa dakilang kontinenteng ito ng Africa para mapagpala ang mga tao … sa katotohanan, sa liwanag ng ebanghelyo, [pati na] sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.”8 Humanga raw siya lalo na sa katatagan ng pamunuan ng Simbahan sa Africa: “Hindi ko masabi sa inyo kung gaano kalaki ang pasasalamat namin sa mga lider na ito [sa lugar], na nagbibigay ng kanilang panahon at talento sa paglilingkod sa Panginoon para mapagpala ang buhay ng mga taong ito.”9

“Napakaganda ng pananaw” ni Elder Nelson sa kinabukasan ng Simbahan at ng mga tao sa Africa at Madagascar dahil mas matindi ang kanilang pananampalataya kaysa kanilang mga hamon. “Kayo ay tunay na mga anak ng Diyos, mga anak ng pinagtipanang Israel, handang humarap sa Panginoong Jesucristo at sa Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, at mamuhay sa Kanilang piling kasama ang [inyong] pamilya,”10 sabi niya sa isang pulong sa Madagascar. Sinabi rin ni Elder Nelson, “Ang mga taong ito ay may malaking potensyal. Sila ay may pananampalataya. May pagmamahal sila sa Panginoon, at nasa kanila ang lahat ng kailangan para talagang maging matatag na mga tao.”11

Sa isang interbyu sa Nairobi, Kenya, sinabi ni Elder Nelson, “May mga chapel tayo ng Simbahan. May isang stake tayo rito [sa] Nairobi. May isang stake conference tayo ngayon. Nakakatuwang makausap ang mga taong iyon. Mahigit isang libo ang nagtipong mga tao, [at sila ay] napakamapitagan [at may] magandang choir, [isang] napakagaling na stake presidency, [at isang] patriarch dito sa harapan. Paano ko maipadarama ang kagalakan ko kapag nakikita ko ang gayon kalaking pag-unlad?”12

Sa Kabila ng Kahirapan

Sabi ni Elder Holland, patuloy ang Simbahan sa Africa sa kabila ng mga hamon. Bilang halimbawa, sinabi niya, “Habang nagngangalit ang giyera-sibil sa Côte d’Ivoire [Ivory Coast], patuloy na nagpunta sa templo … ang mga Banal sa mga Huling Araw. Malaking karangalan iyon sa kanila. Hanga ako.”13

Patungkol sa Sierra Leone at sa Liberia, sinabi ni Elder Holland, “Dahil nagkaroon na sila ng madugo, winasak ng digmaan, at malupit na nakaraan, isa iyan sa mga dahilan kaya gayon kabilis ang paglaganap ng ebanghelyo. Nakita na nila na hindi dapat maging gayon ang buhay, at ngayong nagpapatotoo ang mga missionary at miyembro, nakita na nila na maaaring maging gayon ang buhay. Nagawa ng langit na maging pagpapala [ang kanilang mga pagsubok], at iniaahon nila ang kanilang sarili mula sa kaguluhan ng pulitika at alitan ng mga mamamayan.”14

Bukod pa rito, itinuro ni Elder Holland na patuloy ang paglago ng Simbahan sa Zimbabwe sa kabila ng mahihirap na panahon nitong mga huling taon: “Ang Simbahan ay lumago. Lumago tayo, may mga stake tayo, may mga misyon tayo. Iyan ang nangyayari sa buong Africa.”15

Pangangaral ng Ebanghelyo

Ang isang susi sa tagumpay ng Simbahan sa Africa, sabi ni Elder Holland, ay na “hindi tayo nakikilahok sa malalaking usapin sa lipunan at pulitika. Ipinapangaral natin ang ebanghelyo. Nag-alala tayo tungkol sa katarungan, at tungkol sa mga pagkakataon at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ngunit iniisip natin [na ang mga sagot ay matatagpuan sa ebanghelyo], kaya ipinapangaral lang natin ang ebanghelyo. At totoo ito kahit saan at totoo ito sa Africa, kaya nauunawaan ng mga tao ang ideya, pagpapala, at liwanag na iyan sa kanilang buhay, at biglang nagbabago ang mga bagay-bagay at pinagpapala ang kanilang buhay.”16

Ang Pangako ng Panginoon

Inulit ni Elder Holland ang sinabi ng Tagapagligtas na, “Ang mga una’y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna” (Mateo 20:16).

“Sa ilang paraan,” sabi niya, “nahuli ng dating ang ebanghelyo sa Africa, kung susundin natin ang takdang panahon ng Panginoon—at iyon ang takdang panahon ng Panginoon, masasabi ko iyan. Kung tutuusin kailan lang nagsimulang magkaroon ng mga mission at missionary, mga pagpapala ng priesthood, at iba pa ang mga African. Malaking kontinente ito, at marami pa tayong gagawin. Ngunit naniniwala ako na ang paglagong nakikita natin ngayon sa Africa ay bahagi ng katuparan ng pangako ng Panginoon. Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Africa ay nagsisimulang manampalataya. Kumikilos sila. Tumutugon sila sa hamon na tanggapin ang ebanghelyo at ipamuhay ito.”17