2013
Hindi na Lulong: Ang Pagpupunyagi Kong Mapaglabanan ang Pagkalulong sa Pornograpiya
Disyembre 2013


Hindi na Lulong: Ang Pagpupunyagi Kong Mapaglabanan ang Pagkalulong sa Pornograpiya

Noong dalagita ako, hindi ko inakala na magkakaroon ako ng problema sa pornograpiya.

Larawan
Shadow of a young woman.

Paglalarawan ni Jim Madsen

Hindi ko inakala na puwedeng magkaproblema ang isang babae sa pornograpiya. Napatunayan kong mali ako noong ako ay mga 16 na taong gulang. Nakakita ako ng video ng pornograpiya, at dahil nag-iisa ako at mausisa, pinanood ko ito. Matapos ang unang beses na iyon, ginusto ko nang palaging may napapanood araw-araw. Nalulong ako sa pornograpiya.

Hindi maganda ang pakiramdam ko kapag nanonood ako ng pornograpiya. Alam ko na mali iyon, pero wala akong ginawang anuman para magbago. Hinding-hindi ako naging masaya, at pakiramdam ko ay marumi ako at pinasama ng mapanuksong kahalayan ni Satanas. Pero gumawa pa rin ako ng mga paraan na makapanood nito para bigyang-kasiyahan ang pagnanasa ko. Dahil sa pagkalulong na ito nakagawa pa ako ng mas maraming pagkakamali. Nagsinungaling ako sa lahat ng tao: sa kapatid ko, nanay ko, at ang pinakamasama, sa Panginoon at sa aking sarili. Sinasabi ko sa sarili ko na hindi naman makaaapekto sa akin ang isa pang pelikula, ang isa pang mahalay na kuwento ay hindi naman gaanong makasasama.

Nagsimba pa rin ako, pumunta sa Mutual, at seminary, pero hindi maganda ang saloobin ko o wala sa akin ang Espiritu. Madali akong mainis, kaya wala akong natutuhan sa mga aralin. Tumigil ako sa pagbabayad ng ikapu, pagdarasal, at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nakonsiyensya ako, pero hindi ko pa rin magawang tumigil. Palala nang palala ang pag-uugali ko araw-araw.

Kalaunan, nalimitahan ang panonood ko ng pornograpiya. Noong una pakiramdam ko ay napagkaitan ako, pero natanto kong napabuti nito ang mga bagay-bagay. Naiba ang karaniwang ginagawa ko. Hindi na ako nanonood ng pornograpiya araw-araw. Natutukso pa rin akong panoorin ito, pero mas napaglabanan ko nang iwasan ito. Sa huli, pagkaraan ng dalawang taong pagkalulong sa pornograpiya, sinimulan ko nang magdasal nang tuluy-tuloy para mabigyan ako ng lakas at tuluyan nang huwag itong panoorin. Ngunit dama ko pa rin na marumi ako. Alam ko na kailangan kong kausapin ang bishop. Hindi ko lang kayang gawin ito.

Sa huli, matapos marinig ang maraming tao na nagsasalita tungkol sa proseso ng pagsisisi at ang mga pagsubok na nalampasan nila, nadama kong kailangan ko na talagang makipag-usap sa bishop ko. Natanto ko rin na may isang malaking pagpapala sa Simbahan na wala pa ako: ang aking patriarchal blessing.

Gumawa ako ng appointment para makipag-usap sa bishop ko.

Nahihiya akong naglakad sa opisina ng bishop ko sa gabi ng aking interbyu. Natakot ako na baka tingnan lang niya ako at sabihin sa akin na wala nang pag-asa ang sitwasyon ko at napakalaki ng kasalanan ko kaya imposible akong mapatawad. Natakot ako na maiba ang pagtingin niya sa akin. Ngunit nang sabihin ko sa kanya ang buong kuwento ko, mapagmahal niya akong nginitian at pinakinggang mabuti. Talagang nagmalasakit siya sa akin. Matapos makipag-usap sa bishop ko at gawin ko ang mga nararapat gawin, sinabi niya sa akin sa wakas na malinis na ako.

Ang mga taon ng pagkalulong ko sa pornograpiya ang pinakamahirap na panahon sa buhay ko, pero napakasaya ng pakiramdam ko nang iwan ko ang opisina ng bishop at nadamang malinis na ako. Parang nawala ang napakabigat na pasaning dala-dala ko nang maraming taon. Natuwa ako na matatanggap ko na ang aking patriarchal blessing at karapat-dapat nang makibahagi ng sakramento at mapasaaking muli ang Espiritu. Para akong isang bagong tao. Sinabi pa sa akin ng mga tao ang malaking pagbabago sa akin at ang kakaibang sayang nakikita nila sa akin. Mas masaya na ako palagi at mas maganda ang pananaw sa halos lahat ng bagay.

Alam ko na sa tulong ng Panginoon maaari tayong magbago at makapanaig sa anumang pagkalulong. At hindi natin kailangang matakot makipag-usap sa bishop, dahil tutulungan niya tayo kapag nagsisi tayo upang madama nating nalinis tayong muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.