2013
Pamilya at mga Kaibigan Magpakailanman
Disyembre 2013


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pamilya at mga Kaibigan Magpakailanman

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

Saanman kayo nakatira, may mga kaibigan kayong naghahanap sa mas malaking kaligayahang natagpuan ninyo sa pamumuhay ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Maaaring hindi nila mailarawan ang kaligayahang iyan sa mga salita, ngunit madarama nila ito kapag nakita nila ito sa inyong buhay. Gugustuhin nilang malaman ang pinagmumulan ng kaligayahang iyan, lalo na kapag nakita nila na dumaranas kayo ng mga pagsubok na tulad nila.

Nadama na ninyo ang kaligayahan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Iyan ang pagpapalang ipinangako sa inyo sa pamumuhay ng ebanghelyo (tingnan sa Mosias 2:41). Hindi ninyo tapat na sinusunod ang mga utos ng Panginoon para makita ng ibang tao, ngunit yaong mga nakakapansin sa kaligayahan ninyo ay inihahanda ng Panginoon na marinig ang mabuting balita ng Panunumbalik ng ebanghelyo.

Ang mga pagpapalang ibinigay sa inyo ay nakalikha ng mga obligasyon at magagandang pagkakataon para sa inyo. Bilang pinagtipanang disipulo ni Jesucristo, obligado kayong ipaabot sa iba ang pagkakataong magkaroon ng ibayong kaligayahan, lalo na sa inyong mga kaibigan at kapamilya.

Nakita ng Panginoon ang pagkakataon ninyo at inilarawan ang inyong obligasyon sa utos na ito: “Nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81).

Ginawa ng Panginoon na mas madaling sundin ang utos na iyan sa pamamagitan ng pagbabagong nagaganap sa inyong puso kapag tinanggap at ipinamuhay ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil dito, lumalago ang pagmamahal ninyo sa iba, gayon din ang hangarin ninyong madama nila ang kaligayahang naranasan ninyo.

Ang isang halimbawa ng pagbabagong iyon ay kung paano ninyo tinatanggap ang pagkakataong tumulong sa gawaing misyonero ng Panginoon. Hindi magtatagal at malalaman ng mga full-time missionary na maaasahan nila ang mainit na tugon ng isang tapat na bagong binyag sa kahilingang magbigay ng isang taong matuturuan. Inaasam ng bagong binyag na magkaroon ng mga kaibigan at kapamilyang mababahaginan nila ng kanilang kaligayahan.

Kapag humingi ng pangalan ng mga taong tuturuan ang inyong ward mission leader o mga missionary, malaking papuri iyan sa inyo. Alam nila na nakita ng mga kaibigan nila ang inyong kaligayahan at, samakatwid, ang mga kaibigang iyon ay naihandang pakinggan at nagpasiyang tanggapin ang ebanghelyo. At tiwala sila na kayo ang kaibigang kakailanganin nila kapag pumasok sila sa kaharian.

Hindi kayo kailangang matakot na mawawalan kayo ng mga kaibigan sa pag-anyaya sa mga missionary na makipagkilala sa kanila. May mga kaibigan ako na tinanggihan ang mga missionary pero pinasalamatan ako sa maraming taong nagdaan sa pagbabahagi sa kanila ng isang bagay na alam nilang napakahalaga sa akin. Magiging kaibigan ninyo ang mga taong ito magpakailanman dahil sa pagbabahagi ninyo sa kanila ng ebanghelyo, na nakikita nilang nagpaligaya sa inyo. Huwag palagpasin ang pagkakataong anyayahan ang isang kaibigan at lalo na ang isang kapamilya na magpasiyang sundin ang plano ng kaligayahan.

Wala nang mas magandang pagkakataon para maibigay ang paanyayang iyan kundi sa mga templo ng Simbahan. Doon ay maiaalay ng Panginoon ang mga ordenansa ng kaligtasan sa ating mga ninuno na hindi nakatanggap nito noong nabubuhay pa sila. Nakatunghay sila sa inyo nang may pagmamahal at pag-asa. Nangako ang Panginoon na magkakaroon sila ng pagkakataong pumasok sa Kanyang kaharian (tingnan sa D at T 137:7–8), at tinulungan Niya kayong mahalin sila.

Marami sa inyo ang nagalak sa pag-aalay ng mga ordenansa sa templo para sa iba, tulad ng ginagawa ninyo kapag nagbibigay kayo ng mga pangalan ng mga taong ipakikilala sa mga missionary. Nakadama na kayo ng mas malaking kagalakan sa pagsasagawa ng mga ordenansa para sa inyong mga ninuno. Inihayag kay Propetang Joseph Smith na ang ating walang-hanggang kaligayahan ay posible lamang kung isasagawa natin para sa ating mga ninuno ang paraan para matanggap nila ang mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo para sa iba (tingnan sa D at T 128:18).

Ibinabaling ng Kapaskuhan ang ating puso sa Tagapagligtas at sa kagalakang naidulot sa atin ng Kanyang ebanghelyo. Naipapakita natin nang husto ang ating pasasalamat sa Kanya kapag ipinadama natin ang kaligayahang iyan sa iba. Ang pasasalamat ay nagiging kagalakan kapag nagbigay tayo ng mga pangalan sa mga missionary at dinadala ang mga pangalan ng ating mga ninuno sa templo. Ang pagpapakitang iyan ng ating pasasalamat ay gagawing magpakailanman ang mga kaibigan at pamilya.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Ipinaliwanag ni Pangulong Eyring na maipapakita natin ang ating pasasalamat sa Tagapagligtas sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Maaari ninyong talakayin sa mga tinuturuan ninyo kung paano napagpala ng kaloob ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Isiping anyayahan sila na mapanalanging tukuyin ang mga nais nilang bahaginan ng kaloob ng ebanghelyo at kung paano nila magagawa ito.