2013
Pagtulong sa mga Anak na Makilala ang Espiritu Santo
Disyembre 2013


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagtulong sa mga Anak na Makilala ang Espiritu Santo

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Maaari nating gamitin ang iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo para tulungan ang ating mga anak na magkaroon ng patotoo.

Bilang mga magulang ng apat na lalaki, kaming mag-asawa ay laging naghahanap ng mga paraan para matulungan ang aming mga anak na madama ang Espiritu at magkaroon ng patotoo. Malaki ang inilago ng pang-unawa namin sa pambihirang paraan. Nakatayo ako sa isang tindahan nang dumating ang paramdam.

Bumaba ang mga marka ng panganay namin sa klase niya sa araling panlipunan. Nakausap na namin siya tungkol dito, at hinikayat namin siyang mag-aral pang lalo, pero wala pa ring nagbago. Matagal na kaming nagdarasal na makaisip kami ng mga paraan para matulungan siya. Isang araw sa isang bookstore, nakaramdam ako ng malakas na pahiwatig na bumili ng isang aklat mula sa bunton ng mga aklat na binabaan ang presyo.

Ang aklat ay tungkol sa kung paano nagkakaiba ang estilo sa pag-aaral ng bawat isa sa atin. Maraming tao ang madaling matuto sa pamamagitan ng pagtingin, ibig sabihin ay natututo sila nang husto ayon sa kanilang nakikita. Ang mga mag-aaral na ito ay karaniwang mahilig sa sining at pagbabasa. Ang ilan naman ay natututo nang husto sa pakikinig. Higit nilang nauunawaan ang impormasyon kapag naririnig nila ito. Ang mga taong ito kalimitan ay mahilig sa musika. Ang panghuli, ang ilang mag-aaral ay natututo kapag may nakikita silang gumagalaw o gumagalaw sila mismo. Natututo sila nang husto kapag gumagalaw o may ginagawa sila. Ang mga mag-aaral na ito ay nahihirapan sa paaralan kung minsan kapag pinipilit sila ng guro na umupo nang tahimik. Natututo sila nang husto kapag umiikot sila sa paligid.

Iyon ang sagot! Malinaw na ang anak namin ay natututo sa pakikinig—mahilig siya sa musika at pagsasalita! Natuklasan namin na madalas siyang ilabas ng klase para sa ibang mga aktibidad sa oras ng araling panlipunan at sinabihan siya ng guro na umuwi at basahin ang materyal. Nahihirapan siya dahil hindi niya naririnig ang talakayan sa klase. Nang maunawaan namin ito, hinikayat namin siyang basahin nang malakas ang nakaatas na materyal sa kanya at talakayin ito sa amin pagkatapos. Mabilis na nagtaasang muli ang kanyang mga marka.

Pagpapadaling Magkaroon ng mga Espirituwal na Karanasan

Ngunit hindi tumigil doon ang pag-unawa namin sa mga estilo sa pag-aaral. Natanto namin nang pag-aralan pa namin ito at obserbahan namin ang aming mga anak na madalas silang turuan ng Espiritu Santo sa mga paraan na natututo sila nang husto. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na nangungusap sa atin ang Espiritu sa wika natin at sa mga paraang mauunawaan natin. Iniaakma ng Espiritu Santo ang Kanyang wika para maunawaan ng lahat, kahit ng maliliit na bata. “Ang ating Ama sa Langit ay laging nariyan para sa atin. Umaakma Siya sa lebel ng ating pang-unawa. ‘Kung lumalapit Siya sa isang batang musmos, umaakma Siya sa pananalita at kakayahan ng isang batang musmos’ (Joseph Smith, sa History of the Church, 3:392).”1

Batid na iniaakma ng Espiritu ang Kanyang pakikipag-ugnayan sa ating pang-unawa, mahihikayat ang mga magulang na lumikha ng mga pagkakataong marinig ng kanilang mga anak ang mga turo mula sa Espiritu Santo sa mga paraan na mauunawaan nila ito nang husto. “At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak” (Isaias 54:13).

Tulad ng binanggit ko, ang pangunahing pamamaraan ng aming panganay sa pag-aaral ay ang makinig. Siya at ang pangatlo naming anak ay mahilig sa musika, kaya madalas kaming magpatugtog ng magandang musika ng Mormon Tabernacle choir at ng klasikong musika sa bahay namin. Labis nilang nadama ang Espiritu sa ganitong kapaligiran. Nagkaroon din kami ng maraming masasayang talakayan tungkol sa ebanghelyo, at nakatulong ito sa kanila na malaman ang mga katotohanang pinatibay ng espiritu nang marinig nila ito.

Ang isa pa naming anak ay natututo una sa lahat sa pamamagitan ng pagtingin. Mahilig siyang magbasa at nadarama niya nang husto ang Espiritu habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan o ng mga aklat tungkol sa ebanghelyo. Naglaan kami ng maraming aklat para mabasa niya na nakatulong para madama niya ang Espiritu at magkaroon siya ng patotoo. Naglagay rin kami ng mga larawan ng mga tagpo sa ebanghelyo at mga salawikain sa aming mga dingding kaya sagana ang bahay namin sa pagkatuto sa pamamagitan ng pagtingin.

Ang pangalawa naming anak ay natututo sa pamamagitan ng pagtingin at paggalaw. Napakalikot niyang bata at napakasaya niya kapag nagbibisikleta siya o nagha-hiking silang mag-ama. Natuklasan namin na nadarama niya nang husto ang Espiritu kapag nasa labas siya ng bahay at gumagalaw. Maraming beses kaming nagkamping ng aming pamilya kung saan pinag-usapan namin si Jesucristo, ang Paglikha, at ang plano ng kaligtasan. Naunawaan ng pangalawa naming anak ang mga mensaheng ito sa napakabisang paraan nang makibahagi siya sa mga aktibidad na ito.

Natuklasan din naming mag-asawa na ang pagkatuto sa pamamagitan ng paggalaw ay maaaring mangyari kapag naglilingkod. Kaya marami kaming ginawang aktibidad sa paglilingkod na kasama ang aming mga anak para makakita, makarinig, at makasali sila. Lumikha ito ng magandang kapaligiran kung saan mauunawaan ng lahat ng anak namin ang mga aral ng pag-ibig sa kapwa at paglilingkod na tulad ni Cristo, at lalong naging epektibo ang mga proyektong ito sa pangalawa naming anak.

Pakikinig at Pag-unawa

Nalaman din namin na “naririnig” ng mga tao ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan. Nagturo ako noon ng Sunday School lesson sa mga halos kabibinyag pa lang, at itinanong ko, “Paano ninyo nadarama ang Espiritu?” Talagang nagbigay-liwanag ang kanilang mga sagot. Sabi ng isa, “Malinaw ang aking isipan.” Sabi ng isa pa, “Mainit ang pakiramdam ko,” samantalang sabi naman ng isa pa, “Panatag na panatag ako.” Sabi ng isang babae na ilang buwan nang miyembro, “Kinikilabutan ako!” At sinabi ng ilan na paminsan-minsan ay may “naririnig” silang tinig na nangungusap sa kanila o may mga bagong ideyang pumapasok sa isipan nila.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa mas pamilyar na uri nito, ang paghahayag o inspirasyon ay dumarating sa pamamagitan ng mga salita o ideyang naiisip natin (tingnan sa Enos 1:10; D at T 8:2–3), sa biglaang kaliwanagan (tingnan sa D at T 6:14–15), sa positibo o negatibong pakiramdam hinggil sa mungkahing mga hakbangin, o kaya’y sa nagbibigay-siglang pagtatanghal, tulad ng sa sining. … “Ang inspirasyon ay dumarating bilang paramdam sa halip na tunog.’”2

Malinaw na bawat isa sa atin ay maaaring marinig at madama ang pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan. Hindi lang natin dapat ituro sa mga bata na mag-iinit ang kanilang pakiramdam dahil maaaring hindi nila ito maranasan; maaaring tumanggap sila ng inspirasyon sa ibang paraan.

Isinalaysay ni Elder Jay E. Jensen, dating miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, ang kuwentong ito tungkol sa isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na naglibot sa isang mission. Sa pagitan ng mga zone conference, bumaling ang Apostol na ito sa miyembro ng Pitumpu na nagsalita sa nakaraang kumperensya at sinabing, “Iniisip ko kung may naitatak ka sa isipan ng mga misyonero na nakalikha ng mas maraming problema kaysa kaya ninyong lutasin. Nang maglakbay ako sa buong Simbahan, natuklasan ko na iilan lang ang mga taong nakaranas ng pag-aalab ng dibdib. Katunayan, maraming tao na ang nagsabi sa akin na nalungkot sila dahil hindi pa nila naranasan ang damdaming iyon kahit nanalangin o nag-ayuno na sila nang matagal.” Nagpatuloy si Elder Jensen: “Sa paglipas ng mga taon, sinikap kong malaman ang iba’t ibang paraan ng pagkilos ng Espiritu ng Panginoon. Tunay na nangungusap ang Diyos mula sa langit, ngunit nagpapakita, nagpapatibay, o nagbibigay siya ng patnubay sa iba’t ibang paraan.”3 Napakahalagang ituro sa ating mga anak na kailangan silang matutong makinig sa Espiritu sa paraang nangungusap Siya sa kanila.

Sa pagtuturo sa ating mga anak, ibinabahagi natin ang mga alituntunin ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. Ang pagtuturo sa kanila na pakinggan at unawain ang mga paramdam na dumarating sa kanila ay mahalaga sa kanilang espirituwal na pag-unlad. Pinayuhan tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Kakailanganin [ng inyong mga anak] ang lahat ng lakas at pananampalatayang maibibigay ninyo sa kanila habang kapiling nila kayo. At kakailanganin din nila ang higit na lakas na nagmumula sa mas nakahihigit na kapangyarihan.”4

Ang pagtanggap ng patnubay at direksyon mula sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay malaking pagpapala sa ating buhay. Kapag tinuruan natin ang ating mga anak kung paano tanggapin at bigyang-pansin ang mga pahiwatig, damdamin, at tagubilin, magkakaroon sila ng sariling patotoo na magbibigay sa kanila ng lakas sa hinaharap. Ang Espiritu Santo ay maaari nilang makapiling sa tuwina, at mas lubos nila Siyang maririnig. Bilang mga magulang makakatulong tayo sa prosesong ito at matutulungan nating mapagpala ang ating mga anak.

Mga Tala

  1. Gérald Caussé, “Kahit Isang Bata ay Makauunawa,” Liahona, Nob. 2008, 32.

  2. Dallin H. Oaks, “8 Dahilan sa Paghahayag,” Liahona, Set. 2004, 8.

  3. Jay E. Jensen, “Have I Received an Answer from the Spirit?” Ensign, Abr. 1989, 21–22.

  4. Gordon B. Hinckley, “Itong Ating mga Musmos,” Liahona, Dis. 2007, 7.