2013
Kaya Ko Ito!
Disyembre 2013


Kaya Ko Ito!

Roy Atkin, California, USA

Isang gabi iyon ng kapaskuhan, at nalalatagan ng makapal na niyebe ang lupa. Ilang buwan naming tiniis ng kompanyon ko ang lamig ng panahon sa Germany, pagkatok sa mga pinto, at pamimigay ng mga kopya ng Aklat ni Mormon. Noon pa man, 15 taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming German na walang gaanong tiwala sa mga Amerikano.

Pero sa gabing iyon bibinyagan si Ingeborg Bienmuller. Gayunpaman, habang sakay kami ng bus papuntang United States Air Force base, wala siyang imik. Naramdaman ko na unti-unti siyang nababalisa.

Habang papalapit kami sa hintayan ng bus, bumaling sa amin si Ingeborg at sinabing, “Alam ba ninyo kung gaano ito kahirap sa akin? Pinatay ng mga Allied forces ang asawa ko sa digmaan, at marami sa pamilya ko ang namatay dahil sa pambobomba ng mga eroplano.”

Hinawakan niya ang kanyang binti. “Tinamaan ako ng shrapnel mula sa sumabog na bomba. Hinding-hindi na gagaling ang binti ko. Hindi ko alam kung kakayanin kong pumasok diyan.”

Tahimik lang kaming nakaupo habang pinag-iisipan namin ang sinabi niya at huminto na ang bus. Hindi tuminag sa pagkakaupo si Ingeborg. Kinabahan ako. Ipinagdasal ko na huwag siyang umatras dahil sa takot.

Pagkatapos ay tumayo siya at sinabi, “Binigyan ako ng Ama sa Langit ng patotoo sa katotohanan ng Panunumbalik. Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon. Kaya ko ito! Elder Atkin, pakialalayan akong lumakad.”

Matagal at mabagal kaming naglakad papuntang tarangkahan, at nanikip ang dibdib ni Ingeborg nang daanan namin ang mga guwardiya. Nagpalit kami ng puting damit at nagpunta sa [swimming] pool sa base. Naging sagradong lugar ang pool, at napanatag kami. Ang pagkabalisa sa mukha ni Ingeborg ay napalitan ng galak nang lumusong siya sa tubig at mabinyagang miyembro ng Simbahan.

“Noong gabing mag-iwan ng Aklat ni Mormon ang mga Elder sa akin, tuwang-tuwa ako,” sabi niya habang pauwi kami. “Nagpatuloy ako sa pagbabasa hanggang sa makarating ako sa Mosias 18, kung saan inanyayahan ni Alma ang mga tao na magpabinyag: ‘Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon … at ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, … ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag?’” (Mosias 18:8, 10).

Marahang pagpapatuloy niya, “Nakatulugan ko ang pagbabasa niyon, at nanaginip ako. Nakatayo ako malapit sa isang magandang tubigan na katulad ng mga Tubig ng Mormon. Sa kabilang panig ng tubigan ay nakatayo ang mga taong nakadamit na puti—ang pamilya ko! Ang asawa ko, na napatay sa digmaan, ay nakangiti at hinihimok akong magpabinyag.”

Nang gabing iyon naging miyembro si Sister Bienmuller ng Würzburg Branch at napabilang sa maraming tao sa Germany na napaglabanan ang kanilang mga pangamba at sumapi sa Simbahan.