2013
Mga Tanong at mga Sagot
Disyembre 2013


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ko mapaglalabanan ang tukso?”

Kakatwa mang pakinggan, kailangan ang tukso para sa ating espirituwal na pag-unlad. Kung hindi tayo tutuksuhin, hindi tayo makakapili sa pagitan ng mabuti at masama (tingnan sa D at T 29:39). At kung hindi natin mapipili ang mabuti kapag binigyan tayo ng pagpipilian, hindi tayo lalago sa espirituwal (tingnan sa 2 Nephi 2:11–30).

Ang isang paraan para mapaglabanan ang tukso ay maging masunurin palagi. Kapag nagpapatangay ka kung minsan, mas mahirap labanan ang tukso sa susunod. Kung patuloy mo itong lalabanan, mas tatatag ka at mas madali na itong paglabanan sa susunod. Ang malaking bahagi ng lakas mong labanan ang tukso ay nagmumula sa impluwensya ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay mo. Kapag ginawa mo ang lahat para matutuhan ang mga turo ng Tagapagligtas at sundin ang mga ito, palalakasin ka ng Panginoon para mapaglabanan mo ang tukso.

Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang iba pang mga paraan ng paglaban sa tukso:

“Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas” (D at T 10:5).

“Sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila” (1 Nephi 15:24).

“Datapuwa’t magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Dios, at siya’y lalapit sa inyo” (Santiago 4:7–8).

Gayundin, mahalagang malaman na hindi masamang tuksuhin ka. Kahit si Jesus ay tinukso. “Siya ay nagdanas ng mga tukso subalit hindi siya nagpadaig sa mga ito” (D at T 20:22). Maaari mong sundin ang Kanyang halimbawa—at ang mga halimbawa ng marami pang iba sa mga banal na kasulatan—upang matulungan ka.

Ipagdasal na Magkaroon Ka ng Lakas

Para mapaglabanan ang tukso, kailangan muna nating loobin at taos na hangaring piliin ang tama. Malaking tulong sa akin kung iisipin ko muna ang isang sitwasyon bago pa man ito mangyari at pipiliin ko ang tama kapag nangyari iyon. Ang isa pang bagay na nakakatulong sa akin ay ang panalangin. Kung mananalangin tayo na mabigyan ng lakas, hahangarin nating mapangalagaan tayo sa espirituwal, at pipiliin nating mabuti kung saan tayo gugugol ng oras, maaari nating makasama palagi ang Espiritu Santo na siya ring magbibigay sa atin ng babala.

Esther G., edad 18, Lower Saxony, Germany

Suportahan ang Isa’t Isa

Palagay ko sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagdarasal, pagpipigil sa sarili, at pagsunod sa mga salita ng propeta, malalabanan natin ang tukso. Ang paglaban sa tukso ay nagpapalakas sa iyong pananampalataya at nagpapakita ng iyong pangako sa Ama sa Langit na susundin mo ang mga tipang ginawa mo. Ang pagkakaroon ng mga kaibigan sa Simbahan ay makakatulong din sa atin dahil masusuportahan natin ang isa’t isa. Kailangan ng lakas ng loob na magsabi ng hindi. Tandaan, “Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng kahusayan” (II Kay Timoteo 1:7). Kapag pinaglalabanan natin ang tukso, napapalapit tayo kay Jesucristo at sa ating Ama sa Langit.

Nancy S., edad 19, Tultitlán, Mexico

Ibahagi ang Iyong mga Paniniwala

Noong high school ako, marami sa mga kaklase ko ang nagyayaya sa aking uminom ng alak at manood ng pornograpiya. Lagi akong tumatanggi dahil ginagawa ko ang nais ipagawa sa akin ng Tagapagligtas. Inaalala ko Siya at tinutupad ang aking mga tipan. Kung minsan hindi na ako niyaya at tinutukso ng mga kaibigan at kaklase ko dahil alam na nila ang relihiyon ko. Ang pagbabahagi ng ating mga paniniwala at patotoo sa iba—lalo na sa mga kaibigan, kaklase, kapitbahay, at pamilya—ay magpapabawas ng mga tukso sa ating paligid. Alam ko na sa pamumuhay ng ebanghelyo, mapaglalabanan natin ang mga tukso sa ating buhay.

Romeo P., edad 19, Negros Occidental, Philippines

Makinig sa Espiritu Santo

Nalaman ko na kapag dumarating ang tukso, sinisikap ng Espiritu Santo na magbabala sa akin na piliin ang tama. Gawin ang mga bagay—tulad ng pagdarasal at pagbabasa ng iyong mga banal na kasulatan—na magpapanatili ng Espiritu sa iyo at iwasan ang lugar kung saan hindi makaparoroon ang Espiritu Santo.

Rachel O., edad 13, Pennsylvania, USA

Tumayo sa mga Banal na Lugar

Laging sinasabi ng kuya ko sa akin na “tumayo sa mga banal na lugar.” Nalaman ko na ang ibig sabihin nito ay pumunta ka kung saan hindi laganap ang tukso o di gaanong matindi. Sabi ng stake president ko, “Hindi lamang labanan ang tukso—iwasan ang tukso.” May pagkakataong kailangan mong labanan ang tukso, pero mas madaling ipamuhay ang ebanghelyo kapag walang tuksong naroon para tuksuhin ka.

Aaron L., edad 18, Utah, USA

Laging Tayo ang Magpapasiya

Ang kaloob na Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na makita ang kaibhan ng mabuti at masama at tumutulong sa atin na matanto na tinutukso tayo. Dapat nating tandaan na ang mga tukso ay pagsubok na tutulong sa ating malaman kung tama ang ating ginagawa at kung mali, at dapat nating malaman na kung susundin natin ang Panginoon, hindi Niya tayo hahayaang matukso nang higit sa kaya nating paglabanan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 10:13). Lagi nating maipapasiyang piliin kung ano ang tamang landas sa halip na ang mali.

Juan T., edad 19, Montevideo, Uruguay

Isadula ang Pagpili ng Tama

Palagay ko mahalagang ihanda na sa isip ko nang maaga ang mga pagpiling gagawin ko. Hindi ko inasahan na mahaharap ako sa mahirap na sitwasyon, at maganda ang kinalabasan dahil naipasiya ko na sa isip ko na hindi ko ibababa ang aking mga pamantayan. Kahit kung minsan ay asiwa ako, gumagawa ng pagsasadula ang pamilya ko para alam ko kung ano ang sasabihin o gagawin kapag naharap sa mga tukso.

Emelyne P., edad 14, Wyoming, USA

Magkaroon ng Mabubuting Kaibigan

Ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan na pumipili ng tama ay isang bagay na magagawa mo para labanan ang tukso. Nagpapakita sila ng mabuting halimbawa. Matatawagan mo sila kapag natutukso ka. Tutulungan ka nilang piliin ang tama. Maipapaalala sa iyo ng mabubuting kaibigan na manalangin, magbasa ng mga banal na kasulatan, at sumunod.

Sam E., edad 17, Washington, USA