2013
Pagsisisi
Disyembre 2013


Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Pagsisisi

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo ay ginagawang posible ang pagsisisi, at bawat isa sa atin ay kailangang magsisi.

Kung minsan ay natatakot tayo kapag dahil sa bigat ng kasalanan ay kailangan nating magtapat sa bishop o branch president, paliwanag ni Elder Bradley D. Foster ng Pitumpu sa isang artikulo sa mga pahina 54–55 ng isyu sa buwang ito. Gayunman, “yaong mga naglakbay sa landas ng pagsisisi ay sasabihin sa inyo na hindi lamang posible ang paglalakbay kundi pagdating ninyo roon at lumingon kayo ay ito ang makikita ninyo:

“Magagawa mo ito. At kapag ginawa ninyo ito, magiging mas maayos ang lahat. …

“Kapag nagsimula na kayo, magiginhawahan kayo. …

“Tutulungan kayo ng inyong bishop na malagpasan ito. Mamahalin ninyo siya at hinding-hindi ninyo siya malilimutan.”

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan

Basahin ninyo ng inyong tinedyer ang bahagi tungkol sa pagsisisi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Talakayin ang mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at kung paano ginagawang posible ng pagsisisi na makamtan ang mga ito.

Maaari din kayong magpatotoo tungkol sa pagsisisi at Pagbabayad-sala at kung ano ang kahulugan nito sa inyong buhay. Maaari din ninyong hilingin sa inyong mga tinedyer na ibahagi sa inyo ang kanilang patotoo tungkol sa pagsisisi. At kung angkop, maaari ninyong anyayahan ang mga tinedyer na tulungan ang nakababatang mga kapatid na lalaki at babae sa aktibidad na ipinaliwanag sa ibaba.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata

Para ipakita kung ano ang ibig sabihin ng manatili sa landas na pinatatahak sa atin ng Panginoon, isiping gamitin ang isang laruang kotse (o eroplano, barko, o bagon) sa isang pakay-aralin. Gumamit ng mapa at ipalipat sa bata ang kotse mula sa isang lugar sa mapa papunta sa ibang lugar. Itanong, “Ano ang kailangang gawin kung malihis ng landas ang sasakyan?”

Kapag malinaw na kung malihis ng landas ang sasakyan, dapat itong maibalik sa tamang landas, itanong kung paano ito kagaya ng pagsisisi. Ipaliwanag na kung minsan sa paglalakbay natin sa buhay, kailangan nating baguhin ang ating direksyon upang matiyak na tama ang ating pinatutunguhan. Kung minsan ay magagawa natin itong mag-isa. Ngunit kung minsan ay kailangan natin ng tulong. Magpakuwento sa mga bata ng mga panahon na natulungan nila ang kanilang sarili, mga panahon na natulungan sila ng iba, at mga paraan na matutulungan sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Habang itinuturo ninyo ang paksang ito, tandaan na ang mga batang wala pang walong taong gulang ay hindi mananagot at hindi kailangang magsisi, ngunit mahalagang matutuhan nila ang alituntunin ng pagsisisi.

Talakayin sa kanila ang kanilang mga sagot at pag-usapan kung paanong ang pagsisisi ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na ginagawang posible na makabalik tayong muli sa Kanila.