2013
Ang Pinakadakilang Himala
Disyembre 2013


Ang Pinakadakilang Himala

Ellen Knell, Utah, USA

Isang maaliwalas na araw ng Setyembre, nasugatan nang malubha ang bunsong anak naming babae na si Erica sa isang aksidente sa kotse. Isinugod siya sa ospital sakay ng helicopter, at matapos na agarang operahan nang ilang oras, natanggap namin ang kagimbal-gimbal na balita: namatay ang aming maganda at masayahing 17-anyos na anak.

Ang sumunod na ilang buwan ay pagdurusa para sa amin. Nakayanan namin ang pagdaan ng kanyang kaarawan at ng Thanksgiving at inihanda ang aming sarili sa pagsapit ng unang Pasko na wala siya. Sinabihan na kami ng mga tao na magiging mahirap sa amin ang mga okasyon, pero hindi pa rin naging handa ang aming kalooban.

Bukod sa nadaramang matinding kalungkutan at dalamhati, nainggit ako sa iba pang mga pamilya na sama-sama at masayang nagdiriwang. Naghihinanakit kong itinanong, “Bakit ito nangyari sa amin? Bakit hindi kami pinaghimalaan na tulad ng sinasabi ng iba?”

Sa aking kawalang-pag-asa, naalala ko ang isang pagkakataon na nagdaos ang ward namin ng aktibidad na tinatawag na “Pasko sa Betlehem.” Nakabihis ang mga miyembro ng ward ng mga damit na parang nasa panahon sila ng pagsilang ni Jesus. Si Erica, na apat na taong gulang noon, ay nakasuot ng luma at mahabang puting damit at nakabandana. Ang pinakatampok at huling tagpo sa gabing iyon ay ang muling pagsasadula ng Pagsilang ni Jesus sa isang kunwa-kunwariang kuwadra na may dayami at sabsaban. Isang bata pang mag-asawa at ang kanilang sanggol ang gumanap na Maria, Jose, at ang sanggol na si Jesus.

Habang nakapalibot kami sa sabsaban, napansin ko na wala sa tabi ko si Erica. Nag-alala ako hanggang sa mapansin ko ang kanyang puting damit at makita siyang nakatayo malapit sa sabsaban. Ang takot ko sa pag-aakalang nawala siya ay napalitan ng pag-aalala na baka makagulo siya sa eksena. Balak ko na siyang tawagin, pero huminto ako sandali at pinanood ang pagpunta niya sa sabsaban.

Tahimik na lumuhod si Erica sa tabi ni Maria at tumingin sa kanya na para bang humihingi ng pahintulot. Pagkatapos ay magiliw na hinaplos ni Erica ang natutulog na sanggol. Hindi lang ako ang nakapansin nito. Hindi nagtagal at tumahimik ang iba at pinanood ang pagluhod niya sa tabi ng sanggol. Naantig ang damdamin ng mga naroon nang matanto nila na ang sanggol na iyon ay ang sanggol na Cristo para kay Erica.

Sa aking pagdadalamhati, ang alaala ng Paskong ito ay naghatid ng kapayapaan at aliw sa akin habang ginugunita ko ang tapat na pagmamahal ng aking anak. Napuno ng mga tanong ang isip ko tungkol sa buhay at kamatayan—mga tanong na hindi ko gaanong pinapansin noong buhay pa si Erica. Habang pinagbubulayan ko ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Pagpapako sa Krus, naunawaan ko ang damdamin ni Maria. Mahal niya ang kanyang bagong silang na Anak, at naranasan niya kalaunan ang napakatinding sakit at dalamhati nang masaksihan niya ang paghihirap at kamatayan ng Anak. Ipinaranas kay Cristo ang kamatayan sa krus, at ipinaranas kay Maria ang pagdadalamhati.

Sa araw ng Pasko ipinagdiriwang natin ang simula ng buhay ng Tagapagligtas sa lupa, ngunit para sa akin mula ngayon, ang Kanyang pagsilang ay lagi nang kaakibat ng Kanyang pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli—ang Pagbabayad-sala. Dahil nalagot ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan, alam ko na hindi sa kamatayan magtatapos ang lahat kay Erica. Iyan ang himala na dapat ipagpasalamat—ang pinakadakilang himala sa lahat ng panahon.