2013
Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito
Disyembre 2013


Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito

Mula sa Church Educational System fireside para sa mga young adult, “Terror, Triumph, and a Wedding Feast,” ibinigay noong Setyembre 12, 2004. Para sa buong teksto sa Ingles, pumunta sa speeches.byu.edu.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Ang dakilang kalalakihan at kababaihan noong araw ay nagawang magpakatatag, patuloy na magpatotoo, patuloy na magsikap na gawin ang kanilang makakaya, hindi dahil alam nila na sila ay magtatagumpay kundi dahil alam nila na magtatagumpay kayo.

Larawan
Jesus Christ dressed in a red robe walking among people who are reaching out to him.

Christ in a Red Robe, ni Minerva Teichert © IRI, sa kagandahang-loob ng Church History Museum.

Pumasok tayo sa mortalidad sa panahon ng pinakadakilang dispensasyon ng ebanghelyo na ibinigay sa sangkatauhan, at kailangan nating lubos na samantalahin ito.

Gustung-gusto ko ang isang pahayag ni Propetang Joseph Smith na nagsasabing ang naunang mga propeta, saserdote, at mga hari ay “inasam … nang may galak ang ating panahon, at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon.”1 Pansinin ang pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff na kahalintulad nito: “Ang mga mata ng Diyos at ng lahat ng banal na propeta ay nakamasid sa atin. Ito ang dakilang dispensasyon na binanggit simula pa nang likhain ang mundo.”2

May teoriya ako tungkol sa mga naunang dispensasyon at sa mga lider, mga pamilya, at mga taong nabuhay noon. Madalas ko silang maisip at ang nakapanlulumong mga sitwasyong pinagdaanan nila. Naranasan nila ang mga panahon ng matinding paghihirap at, kadalasan, hindi sila nagtagumpay sa kanilang mga dispensasyon. Sa katunayan, ang buong dahilan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito ay na hindi nakapanatili noon ang ebanghelyo at samakatwid ay kinailangang itatag na muli ito sa kahuli-hulihan at matagumpay na panahon.

Isang Dispensasyong Hindi Mabibigo

Sa madaling salita, ang apostasiya at pagkawasak ng isang uri o ng isa pang dispensasyon ay ang huling kahahantungan ng bawat pangkalahatang dispensasyon na naranasan natin sa kasaysayan ng mundo. Ngunit narito ang teoriya ko. Ang teoriya ko ay na ang dakilang kalalakihan at kababaihang iyon, na mga lider noong araw, ay nagawang magpakatatag, patuloy na magpatotoo, patuloy na magsikap na gawin ang kanilang makakaya, hindi dahil alam nila na sila ay magtatagumpay kundi dahil alam nila na magtatagumpay kayo. Naniniwala ako na humugot sila ng lakas at pag-asa hindi mula sa sarili nilang mga sitwasyon kundi mula sa inyong mga sitwasyon—isang kahanga-hangang kongregasyon ng daan-daang libong kabataan na nagtipon sa iba’t ibang panig ng mundo sa matinding determinasyon na makitang nananaig at nagtatagumpay ang ebanghelyo.

Sinabing minsan ni Moroni, na nagsasalita sa mga taong tatanggap ng kanyang talaan sa mga huling araw:

“Masdan, ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa yaong hindi maglalaon ay mangyayari, at sa araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito ay mangyayari sa inyo.

“Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:34–35).

Sa anupamang paraan, palagay ko halos lahat ng propeta at apostol ay nakita ang ating panahon—isang tagpo na nagbigay sa kanila ng lakas ng loob sa gitna ng kanilang di-gaanong matagumpay na panahon. Alam ng mga kapatid noon ang napakaraming kamangha-manghang bagay tungkol sa atin. Nakita ng mga propetang tulad nina Moises, Nephi, at ng kapatid ni Jared ang mga huling araw sa napakadetalyadong pangitain. Ang ilan sa nakita nila ay hindi kasiya-siya, ngunit siguradong nakahugot ng pag-asa ang lahat ng naunang henerasyong iyon sa pagkaalam na magkakaroon ng isang dispensasyon sa bandang huli na hindi mabibigo.

Ang panahon natin, hindi ang kanila, ang araw na nagbigay sa kanila ng “alab ng makalangit at masayang pag-asam” at naghikayat sa kanila na umawit at magpropesiya ng tagumpay. Ang panahon nating lahat ang inaasam ng mga propeta noon pa mang unang panahon, at ang naunang mga kapatid na yaon ay naroon at patuloy pa rin tayong hinihikayat! Ang totoo, ang pagkakataon nilang ituring ang kanilang sarili na lubos na nagtagumpay ay nakasalalay sa ating katapatan at ating tagumpay. Gustung-gusto ko ang ideya na pupunta tayo sa digmaan sa mga huling araw na kinakatawan sina Alma at Abinadi at ang kanilang isinamo at kinakatawan sina Pedro at Pablo at ang kanilang mga sakripisyo. Dapat lang ninyong ikatuwa ang gayong uri ng madulang gawain sa konteksto ng kasaysayan!

Larawan
Ancient and modern depictions of missionary work.

Paghahanda sa Simbahan ni Cristo para sa Kanyang Pagparito

Magdaragdag ako ng isa pang aspeto ng pananaw na ito tungkol sa ating dispensasyon. Dahil dispensasyon natin ang huli at pinakadakila sa lahat, dahil lahat ng bagay kalaunan ay magaganap at matutupad sa ating panahon, may isang partikular at napakatiyak na responsibilidad, kung gayon, na nakaatang sa atin na narito sa Simbahan ngayon na hindi iniatang sa gayong paraan sa balikat ng mga miyembro ng Simbahan noong una. Hindi tulad ng Simbahan noong panahon ni Abraham o Moises, Isaias o Ezekiel, o maging sa panahon ng Bagong Tipan nina Santiago at Juan, responsibilidad nating ihanda ang Simbahan ng Kordero ng Diyos na tanggapin ang Kordero ng Diyos—nang personal, sa matagumpay na kaluwalhatian, sa Kanyang papel sa milenyo bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Wala nang iba pang dispensasyon na may ganyang tungkulin.

Sa wikang gamit ng mga banal na kasulatan, tayo ang itinalaga sa buong kasaysayan na kailangang maghanda sa kasintahang babae sa pagdating ng Kasintahang Lalaki at maging karapat-dapat na maanyayahan sa piging ng kasalan (tingnan sa Mateo 25:1–12; 22:2–14; D at T 88:92, 96). Patungkol sa ating lahat—sa panahon man natin o ng ating mga anak o ng ating mga apo o kahit kailan—responsibilidad natin bilang Simbahan at bilang mga miyembro ng Simbahang iyan na maging marapat na pumarito si Cristo sa atin, maging marapat na salubungin Niya tayo, at tanggapin at yakapin Niya tayo. Ang buhay na ihaharap natin sa Kanya sa sagradong sandaling iyon ay kailangang maging karapat-dapat sa Kanya!

Dapat Tayong Maging Katanggap-Tanggap sa Kanya

Puspos ako ng pagkamangha, ng matinding responsibilidad na ihanda ang buhay ko (at sa abot ng makakaya ko, na tumulong na ihanda ang buhay ng mga miyembro ng Simbahan) para sa araw na iyon na matagal nang ipinropesiya, para sa paglilipat na iyon ng awtoridad, para sa panahon na ihaharap natin ang Simbahan sa Kanya na Siyang nagmamay-ari nito.

Pagdating ni Cristo, ang hitsura at kilos ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan ay kailangang maging angkop sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan kung gusto nating maging katanggap-tanggap sa Kanya. Dapat ay ginagawa natin ang Kanyang gawain, at ipinamumuhay ang Kanyang mga turo. Dapat ay mabilis at madali Niya tayong makikilala bilang tunay Niyang mga disipulo. Tulad ng minsan ay ipinayo ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961), dating Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: dapat ay hindi mahirap mapansin ang ating pananampalataya.3

Oo, kung sa dakila at huling sandaling iyon ay sinabi nating tayo ay naniniwala, marapat lamang na ipakita natin iyon. Kilala ng Pastol ang Kanyang mga tupa, at dapat tayong makilala sa dakilang araw na iyon bilang Kanyang mga disipulo sa gawa at maging sa salita.

Mahal kong mga batang kaibigan, ito ang mga huling araw, at kayo at ako dapat ang pinakamabuting mga Banal sa abot ng ating makakaya. Magtuon sa mga katagang mga banal.

Kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan magpapakita si Cristo sa mga tao, nang matagumpay, at kailan magsisimula ang Milenyo? Hindi ko alam. Ang alam ko ay nagsimula ang mga unang sandali ng kaganapang iyan 193 taon na ang nakararaan. Alam ko na dahil sa Unang Pangitain at sa sumunod pa rito, nabubuhay tayo sa panahon ng walang kapantay na mga pagpapala—mga pagpapalang ibinigay sa atin upang makapamuhay nang tapat at dalisay upang kapag matagumpay na dumating ang Kasintahang Lalaki sa bandang huli, personal at makatwiran Niya tayong maanyayahan sa piging ng kasalan.

Mahal kong mga batang kapatid, iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at patotoo na hindi lamang buhay ang Diyos; mahal Niya tayo. Mahal Niya kayo. Lahat ng ginagawa Niya ay para sa ating ikabubuti at ating proteksyon. May kasamaan at kalungkutan sa mundo, ngunit walang kasamaan o kapahamakan sa Kanya. Siya ang ating Ama—isang perpektong ama—at poprotektahan Niya tayo mula sa unos.

Sa katunayan, isang bagay lang ang gusto kong alalahanin natin: Paano tayo makapamumuhay nang mas lubusan, nang mas tapat, para lahat ng pagpapala ng dakilang dispensasyong ito ay maibuhos nang sagana sa bawat isa sa atin at sa mga yaong ang buhay ay naiimpluwensyahan natin?

“Huwag matakot, munting kawan. … Isaalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” “Hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama … at inihanda para sa inyo” (D at T 6:34, 36; 78:17).

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas, aking pagmamahal at ang aking pagsaksi bilang apostol sa katotohanan ng mga bagay na ito, na hindi mabibigo ang ating dispensasyon at ang mga taong ipinamumuhay ang mga turo ni Cristo at ginagawa ang Kanyang gawain ay magiging karapat-dapat na maanyayahan sa piging ng kasalan kapag dumating na ang Kasintahang Lalaki.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:609–10.

  2. Wilford Woodruff, sa James R. Clark, nagtipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 3:258; tingnan din sa Gordon B. Hinckley, “Sa Pagsikat ng Umagang Maningning,” Liahona, Mayo 2004, 83.

  3. Tingnan sa J. Reuben Clark Jr., The Charted Course of the Church in Education, binagong edisyon (1994), 7.