2013
Babalik ang Panginoon sa Lupa sa Kaluwalhatian
Disyembre 2013


Ang Ating Paniniwala

Babalik ang Panginoon sa Lupa SA KANYANG Kaluwalhatian

Lahat ng ginagawa natin sa Simbahan—gawaing misyonero, family history at gawain sa templo, pagtuturo ng ebanghelyo, pamumuhay na tulad ni Cristo—ay inihahanda tayo at ang iba para sa buhay na walang hanggan at sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.1

Ang Kanyang unang pagparito—ang Kanyang mortal na buhay—ay nasaksihan ng iilang tao. Kapag nagbalik Siya “sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,” masasaksihan ito ng buong sangkatauhan (D at T 29:11). Ang Ikalawang Pagparito ang magpapasimula sa Milenyo, na ang Tagapagligtas ay “mananahan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo [na]ng isanlibong taon” (D at T 29:11).

Inilarawan sa mga banal na kasulatan ang maraming kaganapang mangyayari bago sumapit ang Ikalawang Pagparito. Ang ilan dito ay kinabibilangan ng:

Bagama’t nakikita natin ang mga tanda na malapit na ang Kanyang Ikalawang Pagparito, walang nakakaalam kung kailan talaga babalik ang Panginoon: “Ang oras at ang araw ay walang taong nakaaalam, ni ang mga anghel sa langit, ni hindi nila malalaman hanggang sa siya ay pumarito” (D at T 49:7).

Ang ilan ay hindi magiging handa sa pagbalik ng Tagapagligtas. Nakakatakot na panahon ito para sa masasama ngunit panahon ito ng kapayapaan at tagumpay para sa mabubuti. Sa gayon, itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan at mga propeta sa mga huling araw na mamuhay sa paraan na magiging handa tayong humarap sa ating Tagapagligtas kahit kailan Siya muling pumarito. Itinuro ng Panginoon:

“At sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen.

“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (D at T 45:56–57; tingnan din sa Mateo 25:1–13).

  • Bago sumapit ang Ikalawang Pagparito, magkakaroon ng mga lindol, unos, at kulog at kidlat, at ang mga alon sa dagat ay hahampas nang “lagpas sa mga hangganan nito” (tingnan sa D at T 88:89–90).

  • “Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon” (Joel 2:31).

  • Babalik ang Tagapagligtas sa kaluwalhatian: “Napakadakila ang magiging kaluwalhatian ng kanyang pagharap kung kaya’t ang araw ay magkukubli ng kanyang mukha sa kahihiyan” (D at T 133:49).

  • Ang Tagapagligtas ay tatayo sa Bundok ng Olibo, at magtatanong ang mga Judio, “Ano itong mga sugat sa iyong mga kamay at sa iyong mga paa?” Isasagot Niya, “Ang mga sugat na ito ang mga naging sugat ko sa bahay ng aking mga kaibigan. … Ako si Jesus na ipinako sa krus.” (Tingnan sa D at T 45:48–52.)

  • Ang mabubuti ay mabubuhay na mag-uli at aangat upang salubungin ang Tagapagligtas sa mga ulap (tingnan sa D at T 88:95–97).

Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24; at Neil L. Andersen, “Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2011, 49.