2013
Halina at Magpuri
Disyembre 2013


Halina at Magpuri

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “A Child Is Born,” na ibinigay noong Disyembre 9, 2008, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Larawan
Elder Bruce D. Porter

Anuman ang gumagapos sa atin—mga kasalanan, sitwasyon, o nakaraang kaganapan—ang Panginoong Jesucristo, ang dakilang Emmanuel, ay naparito upang mapalaya tayo.

Mahigit 700 taon bago isinilang si Jesucristo, nagpropesiya si Isaias tungkol sa Kanya sa mga salitang ginamit ni George Frideric Handel sa musikang The Messiah: “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake: at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Hatid din sa maluwalhating pagtatanghal ng musikang Messiah ni Handel ang sumusunod na payo, batay sa Isaias 40:9: “Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, … Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!”1

Masdan ang inyong Diyos, na isinilang na sanggol sa Betlehem at nakabalot ng lampin. Masdan ang inyong Diyos, na isinilang sa mahirap at simpleng kalagayan upang Siya ay mabuhay na isang karaniwang tao sa piling ng mga karaniwang tao. Masdan ang inyong Diyos, maging ang walang-katapusan at walang-hanggang Manunubos, na nagkatawang-tao at nanirahan sa daigdig na Siya mismo ang lumikha.

Gunitain natin ang sagradong unang Paskong iyon sa Betlehem at pag-isipan ang pagsilang ng ating Panginoon. Dumating siya sa katahimikan ng gabi, sa kalagitnaan ng panahon, Siya na siyang Emmanuel (tingnan sa Isaias 7:14), ang Puno ni Isai [Jesse] (tingnan sa Isaias 11:1), ang Bukang-liwayway (tingnan sa Lucas 1:78), ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat (tingnan sa II Mga Taga Corinto 6:18). Ang Kanyang pagsilang ang tanda ng ipinangakong pagdalaw ng Lumikha sa lupa, ang pagpapakababa ng Diyos sa tao (tingnan sa 1 Nephi 11:16–27). Isinulat nga ni Isaias tungkol sa kaganapan, “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag” (Isaias 9:2).

Alam natin mula sa makabagong paghahayag na ang Hari ng Israel na inorden noon pa man ay pumarito sa mundo sa panahon ng tagsibol (tingnan sa D at T 20:1). Ipinropesiya ni Mikas na isisilang Siya sa Betlehem—“na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda” (Mikas 5:2). Ang nayon na Kanyang sinilangan ay malapit sa Jerusalem, na limang milya (8 km) patungong hilaga. Ang Jerusalem ang kabiserang lungsod ng Judea, luklukan ng templo at balwarte ng Roma. Ang Betlehem naman ay isang bukirin, kung saan sila nagtanim at nag-alaga ng mga hayop. Ang tanging dahilan kaya ito naging bantog ay doon isinilang si David, ang hari ng Israel noong araw at pinagmulang angkan ni Cristo; dahil dito, ang munting nayon ay kilala bilang Lungsod ni David. Ang ibig sabihin ng pangalang Hebreo nito na Beth Lechem ay “tahanan ng tinapay,”2 isang pangalang walang partikular na halaga hanggang sa isilang Siya na kikilalanin bilang Tinapay ng Kabuhayan.

Ang bukiring nakapalibot sa Betlehem ay tahanan sa maraming kawan ng tupa, at ang maagang tagsibol ang tradisyonal na panahon ng panganganak ng mga tupa. Malamang na halos gabi-gabi ay nanatiling gising ang mga pastol, inaalagaan ang kanilang mga tupa sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan; kaya nga, hindi na sila kinailangang gisingin ng mga anghel para ibalita ang pagsilang ng Tagapagligtas.

Ang Kordero ng Diyos

Ang batang lalaking ipinanganak sa panahong iyon ng pagsisilang ay kilala bilang “ang Kordero ng Diyos” (Juan 1:29; 1 Nephi 11:31; D at T 88:106). Ito ay isang napakahalagang titulo, sapagkat Siya ay isinilang na kasama ang mga kordero at balang-araw ay magiging “gaya ng kordero na dinadala sa [k]atayan” (Isaias 53:7). Subalit kasabay nito, Siya rin ang Mabuting Pastol (tingnan sa Juan 10:11), na nagmamalasakit sa mga kordero. Kaya, ang kambal na simbolong ito ng Kanyang buhay ay kumakatawan kapwa sa mga naglilingkod at sa mga pinaglilingkuran. Tama lamang na gampanan ni Cristo ang dalawang papel na ito, dahil sa buhay Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (D at T 88:6), at sa kawalang-hanggan Siya ay “umakyat sa itaas” at nasa lahat ng bagay at sumasa lahat ng bagay at “nasa paligid ng lahat ng bagay” (D at T 88:6, 41). Alam Niya at lubos na nauunawaan ang lahat ng aspeto ng buhay. Siya na pinakadakila ay ginawa ang Kanyang Sarili na pinakamababa—ang Pastol sa Langit na naging Kordero.

Ang Kanyang pagparito ay higit pa sa pagsilang ng isang dakilang propeta, sa pagdating ng ipinangakong tagapagmana ng maharlikang luklukan, o maging sa pagdating ng kaisa-isang perpektong tao na nabuhay sa daigdig. Iyon ay pagbaba ng Diyos ng langit “upang maging tao.”3

Si Jesucristo ang Lumikha ng mundo at ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan. Tinig Niya ang umalingawngaw sa Bundok ng Sinai, kapangyarihan Niya ang sumuporta sa piniling Israel sa kanilang paggala sa ilang, at Siya ang personal na naghayag ng kaluwalhatian ng mga bagay na darating kay Enoc, kay Isaias, at sa lahat ng propeta. At naroon ang pinakamalaking himala ng Pagsilang ni Cristo: nang unang ihayag ng Diyos at Lumikha ng langit at lupa ang Kanyang Sarili sa mga tao sa mundo, pinili Niyang gawin ito noong Siya ay sanggol pa—walang malay at nakaasa sa iba.

Ayon sa sinaunang tradisyon ng mga Hebreo, ang Mesiyas ay isisilang sa araw ng Paskua. Alam natin na ang Abril na iyon sa kalagitnaan ng panahon ay nataon sa linggo ng pista ng Paskua—ang sagradong paggunita ng mga Judio sa kaligtasan ng Israel mula sa mapangwasak na anghel na naghatid ng kamatayan sa mga panganay na anak ng Egipto. Bawat pamilyang Israelita na nagsakripisyo ng isang kordero at ipinahid ang dugo nito sa mga haligi ng pintuan ng kanilang tirahan ay nilagpasan (tingnan sa Exodo 12:3–30). Tatlumpu’t tatlong taon matapos isilang si Cristo sa Paskua, ang Kanyang dugo ay ipinahid sa mga poste ng krus upang iligtas ang Kanyang mga tao mula sa mapangwasak na mga anghel ng kamatayan at kasalanan.

Malamang na dahil pista ng Paskua kaya walang bakanteng silid sa bahay-tuluyan para kina Maria at Jose. Naragdagan ng libu-libo ang populasyon ng Jerusalem noong Paskua, kaya napilitan ang mga naglakbay na humanap ng tirahan sa mga liblib na lugar sa bayan. Nagpunta sina Maria at Jose sa Betlehem, ang tahanan ng mga ninuno ni Joseph, para isagawa ang mga hinihiling sa census na iniutos ni Augusto Cesar. Natulutan sila ng ipinagagawa sa census na magpunta sa Betlehem kahit kailan noong taong iyon, ngunit malamang na pinili nila ang panahon ng Paskua dahil iniutos sa batas ni Moises na lahat ng lalaki ay ipakita ang kanilang sarili sa Jerusalem sa Paskua.4 Dahil napakalapit ng Betlehem sa Banal na Lungsod, maaasikaso ng mag-asawang nagmula sa Nazaret ang dalawang obligasyon nang sabay.

Hindi naging maganda ang pagkakilala sa bantay sa bahay-tuluyan sa kasaysayan. Subalit dahil sa dami ng mga tao sa buong rehiyon sa Paskua, hindi natin siya masisisi na wala siyang naibigay na bakanteng silid sa mag-asawang nagmula sa Nazaret. Habang karamihan sa mga manlalakbay sa Paskua ay humimpil sa libu-libong toldang itinayo sa kapatagan sa palibot ng Jerusalem, libu-libong iba pa ang naghanap ng kanlungan sa lokal na mga bahay-tuluyan, na kilala bilang mga caravansary o khan. Walang alinlangang punung-puno ang bahay-tuluyan sa Betlehem, at malamang na ang pag-aalok ng bantay sa bahay-tuluyan sa sabsaban ay pagpapakita ng tunay na kabaitan.

Makatagpo man ang mag-asawa ng mga silid sa bahay-tuluyan, malamang na lumang silid lamang ang mayroon doon. Ang karaniwang khan sa panahong iyon ay isang istrukturang bato na may sunud-sunod na maliliit na silid, na bawat isa ay may tatlong dingding lamang at tanaw ang loob sa isang gilid. Gayunman, malamang na ang sabsaban ay isang saradong patyo o isang kuwebang bato, kung saan naroon ang mga hayop na alaga ng mga panauhin.5 Sa patyo, sa kuweba, o sa ibang kanlungan man, ang pagsilang ni Cristo sa tabi ng mga hayop ay may malinaw na kalamangan kaysa sa masikip na looban ng isang bahay-tuluyan: kahit paano ay may kapayapaan dito at tago ang lugar. Sa ganitong pagkaunawa, ang pag-aalok ng sabsaban ay isang pagpapala, dahil nairaos ang pinakasagradong pagsilang sa kasaysayan ng sangkatauhan sa mapitagang pag-iisa.

Kalayaan sa mga Bihag

Pitong daang taon bago sumapit ang unang Paskong iyon, isinulat ng propetang si Isaias ang propesiya tungkol sa Mesiyas na kalaunan ay binasa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga kapwa mamamayan ng Nazaret: “Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka’t pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo” (Isaias 61:1; tingnan din sa Lucas 4:18–19).

Kapag binasa natin ang misyon ni Cristo na magpahayag ng kalayaan sa mga bihag at palayain ang mga bilanggo mula sa bilangguan, siguro’y una nating naiisip ang pagmiministeryo Niya sa mga patay sa daigdig ng mga espiritu. Ngunit bihag tayong lahat—bihag ng katiwalian at kahinaan ng katawang mortal at maaaring matukso ng laman, magkasakit, at, sa huli, mamatay—at kailangan nating lahat na mapalaya.

Anuman ang gumagapos sa atin—mga kasalanan, sitwasyon, o nakaraang kaganapan—naparito ang Panginoong Jesucristo, ang dakilang Emmanuel, para tayo palayain. Nagpapahayag Siya ng kalayaan sa mga bihag at kalayaan mula sa mga tanikala ng kamatayan at sa bilangguan ng kasalanan, kamangmangan, kayabangan, at kamalian. Ipinropesiya na sasabihin Niya sa mga bilanggo, “Kayo’y magsilabas” (Isaias 49:9). Ang tanging kundisyon ng ating kalayaan ay na lumapit tayo sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, magsisi, at maghangad na gawin ang Kanyang kalooban.

Mga 30 taon na ang nakararaan nakilala ko ang isang lalaking tatawagin kong Thomas. Siya ay 45 anyos nang makilala ko. Dalawampung taon bago iyon sumapi sa Simbahan ang kanyang mga magulang. Hindi interesado si Thomas sa bagong relihiyon ng kanyang mga magulang. Pero minahal siya ng kanyang mga magulang, at hindi sila nawalan ng pag-asa na balang-araw ay madala ang kanilang anak sa kaalaman ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa paglipas ng mga taon, maraming beses nilang sinikap na hikayatin siyang kausapin man lang ang mga missionary at pakinggan ang kanilang mensahe. Paulit-ulit siyang umayaw, at nilibak niya ang pananampalataya ng kanyang mga magulang sa kanilang relihiyon.

Isang araw nanlulumong sinabi ng kanyang ina, “Thomas, kung magpapaturo ka sa mga missionary nang minsan, hinding-hindi na kita kakausaping muli tungkol sa Simbahan.” Ipinasiya ni Thomas na magandang kasunduan ito at pumayag siyang magpaturo sa mga missionary. Sa unang tatlong talakayan, buong yabang lang siyang naupo roon, na pinagtatawanan paminsan-minsan ang itinuturo ng mga elder.

Sa ikaapat na talakayan, tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo, walang kibo si Thomas ngunit di-pangkaraniwan ang kanyang pagtahimik at nakinig siyang mabuti. Sa pagtatapos ng aralin, nagpatotoo ang mga elder tungkol sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay nahikayat ang isa sa mga missionary na buksan ang kanyang Biblia at basahin ang mga salitang ito:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29).

Biglang nagsimulang humagulgol si Thomas. “Ibig ba ninyong sabihin, mapapatawad ako ni Cristo sa aking mga kasalanan?” tanong niya. “Napakasama ng pamumuhay ko. Inuusig ako ng alaala ng aking mga kasalanan. Gagawin ko ang anuman para makalaya ako sa pag-uusig ng aking budhi.”

Panakip-butas ang kayabangang bumihag sa isang kaluluwa sa kasalanan at pag-uusig ng budhi. Tiniyak ng mga elder kay Thomas na patatawarin siya ni Cristo at palalayain siya sa bigat ng kanyang kasalanan kung magsisisi lang siya at mabibinyagan at makukumpirma. Pagkatapos ay nagpatotoo sila tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Mula sa sandaling iyon, nagbago ang lahat sa buhay ni Thomas. Marami siyang kinailangang pagsisihan at daigin, ngunit dahil sa mga pagpapala ng Panginoon, naging marapat siyang mabinyagan.

Mahigit 20 taon kalaunan, habang nakaupo ako sa chapel ng Frankfurt Germany Temple, pumihit sa akin ang isang lalaking maputi na ang buhok na nakaupo sa harapan ko at sinabi, “Hindi ba ikaw si Elder Porter?” Laking tuwa ko nang makilala ko si Thomas—isang lalaking napalaya ng kapangyarihan ni Jesucristo sa pagkaalipin at nananatiling tapat sa Simbahan ng Panginoon.

Marahil sa Kapaskuhang ito ay maaaring ipasiya ng bawat isa sa atin na mapakumbabang lumapit sa ating Ama sa Langit sa panalangin at magsumamo na mapasaatin ang kapangyarihan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak sa araw-araw nating pamumuhay at palayain tayo mula sa sari-sarili nating pagkabihag, malaki man ito o maliit.

O Gabing Banal

Noong Disyembre 1987, mga dalawang linggo bago sumapit ang Pasko, naglakbay ako patungong Israel dahil sa trabaho. Sa kasamaang-palad, walang kapayapaan noon sa Banal na Lupain. May mga nagpoprotesta sa West Bank, walang tao sa mga kalsada ng Old Jerusalem, at sarado ang mga tindahan. Dama ng lahat ang tensyon sa pulitika, at ang nagpalala pa, halos buong linggong bumabagsak ang malamig na ulan. Dahil sa takot sa karahasan, ayaw magpunta roon ng mga turista. Subalit nang maglakad ako sa Jerusalem, napuspos ng kapayapaan ang puso ko nang malaman ko na ito ang lungsod na labis na minahal ng Manunubos.

Biyernes ng gabi ako bumalik sa Estados Unidos bago sumapit ang Pasko. Nang madaling araw na ng Sabbath pagkaraan ng dalawang araw, nagising ako sa alarm ng musikang “O Holy Night [O Gabing Banal]”:

Nakahimlay ang Hari ng mga hari sa hamak na sabsaban,

Sa lahat ng ating pagsubok isinilang na maging ating kaibigan.6

Ang musika at mensahe ay tumimo nang husto sa akin, at napaluha ako nang pagmuni-munihin ko ang maluwalhating sakripisyo at sakdal na buhay ng Manunubos ng Israel—Siya na isinilang na maging kaibigan ng mga hamak at pag-asa ng mga mapagkumbaba. Naisip ko ang karanasan ko sa Jerusalem, at nag-umapaw ang pagmamahal sa buong katauhan ko para sa Kanya na naparito sa lupa at umako sa mga pasanin nating lahat. Tuwang-tuwa akong isipin na maaari Niya akong ituring na kaibigan. Hindi ko na nalimutan kailanman ang damdamin ko noong Linggo ng umagang iyon, na siyang pinakadalisay sa lahat ng patotoong natanggap ko.

Pinatototohanan ko ang Tagapagligtas ng mundo. Alam kong Siya ay buhay. Alam ko na Siya ay inorden bago pa ang Paglikha ng mundo na magpahayag ng kalayaan sa mga bihag. Sa Kanyang pagsilang at buhay sinasabi ko, “Halina at magpuri.”7

Mga Tala

  1. The Messiah, inedit ni T. Tertius Mararangal (1912), vi.

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Betlehem,” scriptures.lds.org.

  3. “Amang Walang Hanggan,” Mga Himno, blg. 104.

  4. Tingnan sa Bible Dictionary, “Feasts.”

  5. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay,” Liahona, Dis. 2011, 21.

  6. “Cantique de Noël” (“O Holy Night [O Gabing Banal]”), Recreational Songs (1949), 143.

  7. “Halina, Magdiwang,” Mga Himno, blg. 122.