2013
Isang Sagot sa Kanyang mga Dalangin
Disyembre 2013


Isang Sagot sa Kanyang mga Dalangin

Lindsey Leavitt, Nevada, USA

Hindi ko madama ang diwa ng Pasko. Disyembre iyon ng huling taon ko sa high school, at tatapusin ko pa ang mga aplikasyon ko sa pagpasok sa kolehiyo at ang huling proyekto ko sa Laurel. Inasam kong makahanap ng pagkakataong makapagboluntaryo na maililista ko sa mga aplikasyon ko sa kolehiyo na nilahukan ko at magagamit ko ring proyekto sa Laurel. Mabuti na lang at tinanong ng student council adviser ko ang kaibigan kong si Jessica at ako kung makapag-oorganisa ba kami ng school toy drive para sa isang lokal na kawanggawa.

Ipinagawa ko sa project committee ang karamihan sa mga gawain. Pinagawa ko sila ng bulletin board na may malaking panukat na nagpapakita ng bilang ng mga laruang iniambag. Inakala naming sapat na ang pag-aanunsyong iyon, at ginugol namin ang bawat oras ng pananghalian sa pangongolekta ng mga donasyon. Nagbigay ng ilang laruan ang mga estudyante, pero nanatiling mababa ang marka sa panukat.

Nagtaka kami nang simulan ng adviser namin na magtabi ng ilang laruan. Nang tanungin namin ni Jessica kung ano ang plano niyang gawin sa mga ito, ikinuwento niya na isang guro sa paaralan namin ang nasuri na may kanser. Matapos mahirapang magturo habang nagpapagamot, nagpasiya itong magbakasyon muna sandali. Sa nalalapit na mga okasyon at lumalaking gastos sa pagpapagamot, walang gaanong matatanggap na regalo ang pamilya nito sa Pasko. Iminungkahi ng aming adviser na ibalot namin ang itinabi niyang mga regalo para sa kanila.

Naantig ang puso ko. Sarili ko lang ang inisip ko sa proyektong pangserbisyong ito, hindi ang iba. Nagpasiya akong triplehin pa ang dami ng makokolektang laruan at magsimulang mangalap ng pera para sa guro at sa kanyang pamilya.

Bumisita kami ni Jessica sa mga silid-aralan at ipinaalam ang aming adhikain. Napakaraming tumugon. Ang mga guro, tauhan, at estudyante ay nagbigay ng mga laruan at pera para matulungan ang pamilya. Hindi nagtagal at nalampasan namin ang inasahan naming dami ng mga laruan, na ikinamangha ng kawanggawa. Nakakolekta rin kami ng mahigit $1,000 para sa pamilya.

Habang maingat naming ibinabalot ang mga regalong nakolekta at binili namin, napatunayan ko na ang sayang dulot ng paglilingkod ay katumbas ng sayang dulot ng mga regalong ipamimigay namin. Hindi ko mailarawan ang tuwang nadama ko nang lihim naming abangan na matuklasan ng pamilya ang mga regalong iniwan namin sa harapan ng pintuan nila.

Ilang buwan kalaunan, hinilingan kaming dalawa ni Jessica na magbigay ng seminar tungkol sa mga proyektong pangserbisyo. Inilahad namin ang aming ginawa nang hindi binabanggit ang pangalan ng guro. Isang babae ang nagtaas ng kamay at tumayo. Umiyak siya habang nagsasalita. Tiyuhin niya ang nasabing guro, at inilarawan niya kung gaano katindi ang naging kahulugan ng paglilingkod namin sa kanyang tiyo. Sinabi niya na isang sagot iyon sa mga dalangin ng kanyang tiyo.

Napakasayang magsama-sama sa kapaskuhang iyon sa tapat na paglilingkod at malaman na nakagawa kami ng kaibhan.