2013
Paboritong Pamaskong Awitin
Disyembre 2013


Isang Paboritong Awiting Pamasko

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

Hindi ko ikinatuwa ang pagkanta niya hanggang sa matanto ko kung para kanino siya kumakanta.

Larawan
Illustration of Christmas decorations.

Paglalarawan ni Dan Burr

Natatandaan ko na tipikal na ward Christmas party ninyo iyon: mga mesang nasasapinan ng pula at berdeng papel, pagkaing nakalagay sa mga paper plate, maliliit na batang nagtatakbuhan sa paligid, at masayang kuwentuhan ng mga miyembro ng ward. Kahit paano, nagawang patahimikin ng isang tao ang paligid para mabasbasan ang pagkain, at nagsikain na ang lahat. Magsisimula na ang programa.

Hindi ko ward iyon. Sumama ako sa isang kaibigan sa ward party nila, kaya wala akong gaanong kakilala roon. Gusto naming umalis nang maaga, pero kinumbinsi kami ng kanyang ina na manatili para sa programa.

Ang unang nagtanghal ay mga batang Primary, na umakyat sa entablado na may mga sinag sa ulo na yari sa gintong palara. Kumanta sila at pagkatapos ay naggitgitan at naghagikgikan pababa ng entablado, at nag-iwan ng naglaglagang mga gintong palara sa kanilang daanan.

Kasunod nito ay dalawang piyanista ang tumugtog ng masasayang awitin. Tinugtog ng unang piyanista ang “Halina, Magdiwang” (Mga Himno, blg. 122) nang hindi nawawala sa tono. Ang isa naman, isang bata, ay umupo sa harap ng piano at balisang luminga sa kanyang ina, na nagsimulang ikumpas nang tahimik ang tiyempo ng tugtog. Bumuntong-hininga ang bata, bumaling sa instrumento, at tinugtog ang pinakamagandang bersyon niya ng “Up on the Housetop [Sa Bubungan ng Bahay].”

Sumunod sa programa ang isa sa paborito kong mga kanta—ang “C-h-r-i-s-t-m-a-s [P-a-s-k-o].”

Tumingala ako at nakita ko ang isang sister na nakahukot at nakakipit ang isang kamay sa kanyang katawan, na paika-ikang naglalakad papunta sa tabi ng piyano. Hindi pantay ang kanyang tayo at ngumiti siya nang pangiwi bago nagsimula. Inaamin ko na mali ako sa pag-iisip kung magiging maganda ang pagkanta niya.

“Noong bata ako, iisa ang kahulugan ng Christmas,” pagkanta niya. Patuloy na isinalaysay ng awitin kung paano natututong bumaybay ang isang bata ng salitang Christmas at paano niya natutuklasan kung ano ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Tabingi ang kanyang bibig, at nahirapan siyang bigkasin ang mga salita.

Maingat akong tumingin sa paligid ng silid at minasdan ang mukha ng mga miyembro ng kanyang ward. Parang walang nahihiya. Sa katunayan, nakaupo silang nakangiti at masayang nakikinig.

Nagpatuloy siya sa pag-awit at tumingala, na nakatingin nang diretso sa isang bahagi ng kisame. Pagkaraan ng ilang sandali tumingala rin ako, pero mga tisa lang ng kisame ang nakita ko. Pero nang muli ko siyang tingnan, napansin ko na nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata.

Nang matapos siya, nagpalakpakan ang lahat. Namula ang kanyang mga pisngi. Nang pabalik na siya sa kanyang upuan, tinapik siya ng mga miyembro ng ward sa bisig o balikat upang ipadama ang kanilang taos-pusong pasasalamat. Sinabihan siya ng isang miyembrong babae, na nakaupo malapit sa akin, na maganda ang ginawa niya, at marahan siyang tumugon ng, “Salamat po. Sana po nagustuhan Niya iyon.”

Niya? Sino ba ang kinantahan niya? Bagama’t sarili ko ang tinanong ko, alam ko na ang sagot. Natanto ko na hindi niya kinantahan ang sinuman sa silid. Hindi siya kumanta para matuwa ang mga naroon. Kumanta siya para sa Tagapagligtas upang purihin Siya.

Maraming Pasko na ang nakalipas mula noong ward party na iyon, at marami nang mahuhusay umawit ang narinig kong kumanta ng awiting “C-h-r-i-s-t-m-a-s.” Ngunit ang bersyong narinig ko noong Paskong iyon, na kinanta ng isang tao sa di-pangkaraniwan ngunit taos-pusong paraan, ang higit kong naaalala sa lahat.