2013
Narito Kami para Kunin ang mga Regalo sa Amin
Disyembre 2013


Narito Kami para Kunin ang mga Regalo sa Amin

Walter Emilio Posada Rodriguez, Colombia

Noong miyembro ako ng aming district presidency, tumulong ako sa pag-organisa ng aktibidad kung saan namigay ng mga laruan ang mga miyembro ng aming district sa maralitang mga batang nakatira sa lungsod ng Soacha, Colombia. Maganda ang naging tugon sa amin ng lahat ng miyembro. Hindi lahat ng regalo ay bago, ngunit karamihan ay maganda at maayos pa.

Pagkatapos naming ikarga ang mga regalo sa mga bus na maghahatid sa amin sa lungsod, isang batang babae ang lumapit sa akin na may hawak na plastik na bola na luma at maraming gasgas. Hinawakan ko ang bola, na iniisip kung sino ang nagbigay ng gayon kalumang bola. Inisip kong walang kuwenta ang bola kaya initsa ko ito sa ilalim ng upuan.

Pagdating namin, nagsimulang magkantahan ng awiting Pamasko ang mga kabataan namin. Dahil sa kanilang pag-awit, at suot na sombrerong Pamasko, naglapitan ang isang malaking grupo ng mga bata. Nang simulan naming ipamigay ang mga regalo, tinawag ng mga batang iyon ang iba pang mga bata. Hindi nagtagal at naipamigay na namin ang lahat ng regalo.

Nang paalis na kami, nakita ko ang isang batang lalaking mga walong taong gulang na humahabol sa amin, na hawak sa kamay ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki. Nang makalapit sila sa amin, sabi ng nakatatandang bata, “Narito kami para kunin ang mga regalo sa amin.” Ang kanyang kawalang-malay ay umantig sa puso ko at hindi ako makapagsalita.

Ipinaliwanag ko sa kanya na ubos na ang mga regalo. Sagot niya, “Ayos lang po na wala rito ang regalo ko, pero iyong para sa kapatid ko dapat narito.”

Pagkatapos ay naisip ko ang bola na initsa ko sa ilalim ng aking upuan. Sinabi ko sa mga bata na may isa pa akong regalo pero hindi ito gaanong maganda.

“Ayos lang po kahit ano iyon,” sabi niya. “Iyan na po iyon.”

Umakyat ako sa bus at kinuha ko ang bola. Nang iabot ko ito sa batang musmos, tuwang-tuwa siya. Habang nagtatatalon sa sobrang pasasalamat, sabi niya, “Bola! Iyan ang hiniling kong ibigay sa akin ng batang Cristo.” Patuloy siyang nagsayaw sa tuwa habang papalayo sila ng kuya niya dala ang kanilang itinatanging regalo.

Tahimik akong nakatayo roon at napaiyak ako sa kapayapaan at pasasalamat na pumuspos sa akin. Ang pag-aalala at di-makasariling pagmamalasakit ng nakatatandang kapatid sa kanyang nakababatang kapatid ay umantig sa akin, at tahimik kong inasam na maging handa rin akong pasayahin ang iba tulad ng ginawa ng batang lalaking ito sa kanyang kapatid.

Habang masayang naglalakad palayo ang magkapatid, naalala ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa atin. Ni hindi Niya kinalimutan ang isang batang musmos na nakatira sa gilid ng bundok na humiling ng simpleng laruang bola para sa Pasko.