2013
Ang Pangako ng Pasko
Disyembre 2013


Ang Pangako ng Pasko

Larawan
Elder Robert D. Hales

Nawa’y panibaguhin natin sa Kapaskuhang ito ang ating mga tipan na sundin ang Tagapagligtas at gawin ang Kanyang kalooban, tulad ng ginawa Niyang pagsunod sa kalooban ng ating Ama sa Langit.

Hindi natin lubusang mauunawaan ang kahulugan ng Pasko kung hindi natin mauunawaan ang kahulugan ng buhay, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Hindi natin maiisip ang pagsilang ng Tagapagligtas nang hindi iniisip ang sinabi Niya kay Pilato: “Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig” (Juan 18:37).

Sa pagsisimula natin ng kapaskuhan, nawa’y isipin natin ang mga propesiya sa mga banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas. Ang mga ito ay hindi lamang kakatwang pahayag na nagkataon lamang; sa halip, ito ay malalim na pahayag ng layunin at pangako tungkol sa Kanyang buhay at misyon at ang kahalagahan Niya sa bawat isa sa atin.

Mga Propesiya tungkol sa Kanyang Pagparito

Ang pagsilang ni Cristo ay ipinropesiya nang libu-libong taon. Mga 2,000 taon bago isinilang si Jesucristo, itinuro ni Abraham ang tungkol sa Kanyang papel sa plano ng kaligtasan. Mga 1,400 taon bago Siya isinilang, itinuro ni Moises ang kagila-gilalas na mga katotohanang iyon. Mga 700 taon bago Siya isinilang, inihayag ni Isaias ang mga sitwasyon ng Kanyang pagsilang, buhay, at kamatayan:

“Kaya’t ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14).

“Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

“Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman. …

“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma’y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati.

“Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan … at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. …

“… [Siya ay] gaya ng kordero na dinadala sa [k]atayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma’y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.

“Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala siya. …

“At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kaniyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anomang karayaan sa kaniyang bibig” (Isaias 53:3–5, 7–9).

Hindi nagtagal matapos ang propesiya ni Isaias, nagkaroon ng makahulugang panaginip ang propetang si Lehi at itinuro sa kanyang pamilya ang kanyang nalaman. Itinala ni Nephi: “Maging anim na raang taon mula nang lisanin ng aking ama ang Jerusalem, isang propeta ang ibabangon ng Panginoong Diyos sa mga Judio—maging isang Mesiyas, o, sa ibang salita, isang Tagapagligtas ng sanlibutan” (1 Nephi 10:4).

Binanggit din ni Lehi ang tungkol sa malaking bilang ng mga propeta na nagpatotoo hinggil sa pagparito ng Manunubos ng mundo (tingnan sa 1 Nephi 10:5).

Ang Pangako ng Pasko

Nakatala sa Evangelio ni Lucas na bago isinilang ang Tagapagligtas, naglakbay ang Kanyang ina nang dali-dali para bisitahin ang kanyang pinsang si Elisabet.

“At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo:

“At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan” (Lucas 1:41–42).

Gaya ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo kay Elisabet, pinatototohanan Niya sa atin na natupad na ang mga salita ng mga propeta. Dumating ang Tagapagligtas at isinagawa ang ipinagagawa sa Kanya ng Kanyang Ama.

Patungkol sa Tagapagligtas, itinala ni Nephi:

“At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:20–21).

Noong 12-taong-gulang ang Tagapagligtas, nagturo Siya sa templo. Ipinaliwanag niya sa Kanyang nag-aalalang mga magulang na dapat Siyang maglumagak sa bahay ng Kanyang Ama (tingnan sa Lucas 2:42–49).

Naisagawa ang gawaing iyon nang isakatuparan Niya ang Kanyang misyon sa lupa. Inilarawan ng Tagapagligtas ang katuparan ng misyong iyon sa nakaaantig na mga salitang ito:

“Pumaroon ako sa sariling akin at hindi ako tinanggap ng sariling akin. At ang mga banal na kasulatan hinggil sa aking pagparito ay natupad na.

“At kasindami ng tumanggap sa akin, sa kanila ay ipinagkaloob ko na maging mga anak ng Diyos; at gayon din ang gagawin ko sa lahat ng maniniwala sa aking pangalan, sapagkat masdan, sa pamamagitan ko dumarating ang pagtubos, at sa pamamagitan ko ang mga batas ni Moises ay natupad” (3 Nephi 9:16–17).

Ang Kanyang pangako na maaari tayong maging Kanyang mga anak na lalaki at babae ay matutupad kapag tayo ay naniniwala at nananalig at sumunod sa Kanya. Sa gayon ay magiging handa tayo sa pagtanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan.

Sinabi Niya: “Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. Masdan, ako si Jesucristo. … Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan; at sila ay magiging aking mga anak na lalaki’t babae” (Eter 3:14).

Ang Kahulugan ng Pasko

Ang Pasko ay panahon para ibahagi ang ating mga biyaya, palakasin ang iba, at gawin ang ating tungkulin sa kaharian ng Diyos. Ang Pasko ay panahon din upang ipakita ang ating pagmamahal sa iba at ibahagi ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Ang isang paraan na maibabahagi natin ang ating patotoo ay ang magkaroon ng belen sa ating tahanan upang mahikayat ang lahat na pag-usapan ang pagsilang ng Panginoon. Ang isa pang paraan ay ang magsalaysay ng mga kuwentong tulad ng kay John Weightman sa The Mansion.

Si John Weightman ay isang matagumpay na lalaki na naging bantog dahil sa kanyang pagkakawanggawa. Isang gabi, matapos basahin ang mga balita sa pahayagan na pumupuri sa kanyang pagiging bukas-palad, kinuha niya ang kanyang Biblia. Hindi nagtagal at nakatulog siya pagkatapos basahin ang mga salita ng Tagapagligtas: “Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw” (Mateo 6:19).

Habang natutulog siya, natagpuan ni John ang kanyang sarili sa “makalangit na lungsod,” na naglalakbay kasama ang iba pa na tumatanggap ng kanilang mga mansiyon. Nang tumigil ang Tanod ng Pasukan sa harapan ng isang maliit na kubo na yari sa pinaglumaang materyal, sinabi niya kay John, “Ito ang iyong mansiyon.”

Nagreklamo si John, at inisa-isa ang maraming naitulong niya sa publiko.

“Hindi ba’t maingat nang nakatala ang lahat ng nagawa mo sa lupa kung saan pinuri ka na nila?” tanong ng Tanod ng Pasukan. “Nagantimpalaan ka na para sa mga ito. Dapat ka pa bang gantimpalaang muli?”1

Sa kapaskuhang ito, umaasa ako na bawat isa sa atin ay may pagkakataong magbigay nang hindi na nagpapakilala.

Pagtatamo ng Pangako

Linggu-linggo habang nakikibahagi tayo sa ordenansa ng sakramento, pinapanibago natin ang mga pangako ng pagsilang ng Tagapagligtas sa ating sariling buhay. Tinataglay natin ang Kanyang pangalan, at pinaninibago natin ang ating mga tipan na tayo ay susunod at ang ating pangako na lagi natin Siyang aalalahanin.

Ang ebanghelyo, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan, ay ito:

“Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;

“Na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas” (D at T 76:41–42).

Nawa’y panibaguhin natin sa Kapaskuhang ito ang ating mga tipan na sundin ang Tagapagligtas at gawin ang Kanyang kalooban, tulad ng ginawa Niyang pagsunod sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Kapag ginawa natin ito, ang mga salita ng mga tao ni Haring Benjamin, na itinala 125 taon bago isinilang ang Tagapagligtas, ay matutupad para sa atin ngayon: “O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao” (Mosias 4:2).

Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay pumarito sa kalagitnaan ng panahon at na Siya ay paparitong muli. Pinatototohanan ko na ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa huling dispensasyong ito bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito, ang siyang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” (2 Nephi 25:17) na kinabibilangan nating mga Banal sa mga Huling Araw.

Tala

  1. Henry Van Dyke, “The Mansion,” sa Inspirational Classics for Latter-day Saints, tinipon ni Jack M. Lyon (2000), 54–57, 62–63.