2013
Naghihintay kay Jesus
Disyembre 2013


Naghihintay kay Jesus

“Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel” (Mateo 16:27).

Hinalughog ni Katie ang kahon, at tiningnang mabuti ang lukot na pambalot. Hindi pa rin niya makita ang hinahanap niya.

Ibinalik niya ang lahat sa kahon at hinanap si Inay.

Naghanap na si Katie sa likod ng piyano, sa ilalim ng sopa, maging sa kuna ni Thomas. Nawawala ito. Kailangan niyang sabihin kay Inay.

“Inay, nawawala po si baby Jesus.”

Isinama ni Katie si Inay sa belen na nasa sala. Naroon sina Jose at Maria at ang mga pastol. Naroon ang mga Pantas–maging ang kamelyo at asno. Lahat ng pigurin ay nakapalibot sa sabsaban na walang laman.

“Mukhang nawawala nga, ano?” sabi ni Inay.

“Opo, hindi ko po Siya makita kahit saan. Naghanap na po ako nang husto.” Hindi magiging maganda ang belen kung wala ang sanggol na si Jesus.

Nagpunta si Inay sa taguan ng mga aklat. “Hindi Siya nawawala,” sabi niya habang inaabot at kinukuha ang isang bagay sa pinakaibabaw na istante.

Nakahinga nang maluwag si Katie. “Nariyan pala Siya!” sabi niya. “Ilalagay ko po Siya sa sabsaban.”

Inabot niya ang pigurin, pero ibinalik ito ni Inay sa istante. “Ngayong taon ilalagay natin ang sanggol na si Jesus sa sabsaban sa Pasko ng umaga,” sabi ni Inay. “Tradisyon ito na natutuhan ni Itay sa France.”

“Bakit po? Parang napakalungkot ng lahat.”

“Hindi naman yata sila malungkot,” sabi ni Inay. “Sa tingin ko, mas mukhang naghihintay sila.”

Tiningnang mabuti ni Katie ang mga pigurin. Nakita niya ang sabsaban na walang laman na paglalagyan sa sanggol na si Jesus. Ang ilan sa mga pigurin ay nakalapit sa sabsaban.

“Siguro nga po,” sabi ni Katie.

“Naaalala mo ba noong bago isilang si Thomas kung gaano ka kasabik na ipanganak na siya?” tanong ni Inay.

Ngumiti si Katie sa kanyang nakababatang kapatid, na naglalaro sa kumot. “Opo, parang napakatagal.”

“Alam mo ba na naghintay ang mga propeta nang libu-libong taon sa pagsilang ni Jesus para tulungan tayong makabalik sa piling ng Ama sa Langit?”

Naalala ni Katie na may nakita siya sa Primary na larawan ng isang propetang nagsusulat tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. “Siguro nga po,” sabi niya.

“Ang mga propetang tulad ni Isaias ay nag-isip at nagsulat tungkol sa gagawin ng Tagapagligtas nang dumating Siya,” sabi ni Inay. “Buong buhay silang naghintay sa Kanyang pagsilang. Isa iyan sa mga dahilan kaya natin aayusin nang ganito ang belen, para maalala natin na maraming taong naghintay nang matagal sa pagdating ng Tagapagligtas.”

“Maiinip ako sa paghihintay sa buong buhay ko,” sabi ni Katie, nakatingin sa mga pastol na naghihintay kay Jesus.

“Pero may isa pang dahilan kaya natin ginagawa ito,” sabi ni Inay.

“Ano po ‘yun?”

“Naaalala mo ba nang pag-usapan natin sa family home evening ang Ikalawang Pagparito?”

Nag-isip sandali si Katie. “Hindi po ba iyon ang muling pagdating ni Jesus?

“Tama,” sabi ni Inay.

“Kailan po iyon mangyayari?”

“Naku, hindi natin alam. Pero hinihintay natin ang pagdating ni Jesus, tulad ng mga pastol sa belen at ng mga propeta noong araw. Iyan ang isa pang dahilan kaya natin hinihintay ang Pasko bago ilagay ang sanggol na si Jesus sa belen—para maalala natin na hinihintay rin natin si Jesus.”

“Muli po ba Siyang pupunta sa sabsaban?” tanong ni Katie.

“Hindi, hindi na Siya magiging sanggol ulit. Ang susunod na pagdating ni Jesus ay nabuhay na Siyang mag-uli. Pero ipinapaalala sa atin ng sabsabang walang laman sa belen na katulad ng paghihintay mo sa Pasko ng umaga, at katulad ng mga taong naghintay sa pagsilang ni Jesus sa mundo, naghihintay naman tayo ngayon sa Kanyang pagbalik. Hindi natin naiwala ang sanggol na si Jesus. Isang paraan ito ng pag-alaala ng ating pamilya sa Kanya.”

“Kailangan lang po nating maghintay,” sabi ni Katie na nakangiti.

“Tama,” sabi ni Inay.

“Habang naghihintay po tayo, puwede po ba tayong gumawa ng sugar cookies?”