2013
Alam Ko na si Jesucristo ay Muling Paparito
Disyembre 2013


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Alam Ko na si Jesucristo ay Muling Paparito

Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.

Naiisip mo ba na karga ka ni Jesus at binabasbasan ka? Iyan ang ginawa Niya sa mga batang Nephita sa Aklat ni Mormon matapos Siyang mabuhay na mag-uli.

“At ito ay nangyari na, na kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit.

“Kaya inilapit nila ang kanilang maliliit na anak at inilapag sa lupa na nakapalibot sa kanya, at si Jesus ay tumayo sa gitna . …

“… At kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:11–12, 21).

Alam natin na si Jesus ay muling paparito at maninirahan sa mundo kasama natin. Siya ang ating magiging Hari at Pinuno. Ito ay magiging panahon ng kapayapaan at kaligayahan para sa mga taong handang makasama Siya.

Mahal kayo ni Jesus tulad ng pagmamahal Niya sa mga batang Nephita. Makapaghahanda kayong makita Siya sa Kanyang muling pagparito sa pagiging mabait sa iba, pagiging masunurin, pagdarasal, at pagpili ng tama. Pagkatapos ay magiging handa na kayo sa Kanyang muling pagparito!