2013
Mula sa Pagiging mga Mzungu tungo sa Pagiging mga Kaibigan
Disyembre 2013


Mula sa Pagiging Mzungu tungo sa Pagiging Kaibigan

Nakintal sa isipan ang simpleng paglilingkod ng isang senior missionary.

Isang mzungu sa itaas ng puno? Ano ang ginagawa ng isang mzungu sa itaas ng puno? At ano ang kasangkapang ito na ginamit niya noon para mabilis na maputol ang mga sanga?

Naglalaro ang mga tanong na ito sa isipan ng mga Ugandan na nakamasid sa isang dayuhan (mzungu) na gumagamit ng lagareng pinagagana ng baterya para putulin ang mga patay na sanga mula sa isang malaking puno. Ang kasangkapan mismo ay kamangha-mangha sa mga tagaroon. Noon lang nakakita ng ganoon ang marami sa kanila.

Ngunit mas kagila-gilalas sa kanila ang mzungu mismo. Sunud-sunod na pinutol ni Elder Roland Harris, isang senior missionary mula sa Utah, USA, ang mga patay na sanga mula sa matatayog na bahagi ng puno. Namangha ang mga tao sa ibaba na gagawin ng isang dayuhan ang gayong bagay para sa isa sa kanila.

Sa huli, ang simpleng paglilingkod ni Elder Harris ay magiging tanda ng pagsisimula ng pakikipagkaibigan sa isang taong ayaw maugnay sa Simbahan o sa sinuman dito.

Pagkilala kay Godfrey

Sina Elder Roland Harris at Sister Janet Harris ay nasa 23-buwang pagmimisyon sa Uganda Kampala Mission. Tinawag si Sister Harris, isang rehistradong nars, bilang medical adviser sa mga missionary. Si Elder Harris, isang retiradong construction superintendent na marunong magkumpuni ng halos lahat ng bagay sa sansinukob, ang nangalaga sa mga pasilidad ng Simbahan at mga sasakyan ng mission.

Di nagtagal pagdating sa Uganda, inupahan nina Elder at Sister Harris si Maria, isang miyembro ng Simbahan doon, para tumulong sa paglilinis ng bahay nila.

Si Maria ay nabinyagan tatlong taon na ang nakararaan. “Napamahal siya sa amin,” sabi ni Sister Harris. “Tinuruan niya kami kung paano mamuhay sa Uganda.”

Nang higit nilang makilala si Maria, higit na lumalim ang kanilang pagkakaibigan. Nalaman nila kaagad ang tungkol sa kanyang asawang si Godfrey—isang butihing lalaki na ayaw makihalubilo sa mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga missionary. “Ayaw niyang papasukin ang mga missionary sa bahay niya,” paliwanag ni Sister Harris. Gayunman, gusto pa rin silang ipakilala ni Maria kay Godfrey.

Inanyayahan niya ang mga Harris na bumisita kahit saglit. “Wala kaming inasahan,” paliwanag ni Sister Harris. “Sinabi namin kay Godfrey na kaibigan na namin si Maria, at gusto naming makilala ang kanyang pamilya.” Nakipag-usap sa kanila si Godfrey ngunit ayaw talaga nitong kilalanin sila nang higit pa kaysa mga kakilala lang.

Nagbagong lahat iyan nang ipakita ni Elder Harris ang mga kasangkapang de-baterya, isang hagdan, at isang alok na maglingkod.

Ang Pagbabago

Ang bahay nina Godfrey at Maria ay naliligiran ng matatayog na punungkahoy na puno ng patay at mayayabong na sanga na nakabitin sa kanilang bubong.

Agad nagtrabaho si Elder Harris. Apat na oras siya sa itaas ng mga puno sa pagputol ng mga sanga na hanggang 10 pulgada (25 sentimetro) ang diametro. Noon pa dapat ginawa iyon. “Hindi kukulangin sa 20 talampakan (6 m) ang taas ko mula sa lupa,” sabi ni Elder Harris. Pagdaan ng mga tao, hindi sila makapaniwala sa nakita nila.

Kahit si Godfrey ay nabigla. “Labis niya kaming pinasalamatan,” sabi ni Sister Harris. Kahit ang medyo simpleng gawaing tulad ng pagputol ng mga sanga ng puno ay maaaring magdulot ng malaking panganib. “Wala silang perang pampagamot,” paliwanag ni Sister Harris. Kung may taong mahulog mula sa puno at mabalian ng braso o binti, halimbawa, malamang na hayaan na lang nilang gumaling ito nang kusa.

Ang malaking bunton ng mga putol na sanga sa lupa ang naglatag ng pundasyon para sa isang katangi-tanging pagkakaibigan. “Mula noon ay lagi nang lumalabas si Godfrey para batiin kami,” sabi ni Elder Harris. Pinapasok na rin nina Godfrey at Maria ang iba pang mga miyembro ng Simbahan sa bahay nila.

Pagtawid sa Nile

Napalapit sina Elder at Sister Harris kina Godfrey at Maria sa paglipas ng mga buwan. Sa huli, ang pagkakaibigang ito ay naging lakas at suporta sa mga Harris nang mangyari ang isang di-inaasahang trahedya sa kalagitnaan ng kanilang misyon. Nabalitaan nila na ang anak nilang si Brad ay namatay sa isang aksidente sa highway.

Nang malaman ito nina Maria at Godfrey, kapwa nila isinuot ang pinakamaganda nilang damit at sumuong sa mapanganib na paglalakbay para suportahan ang mahal nilang mga kaibigan.

Sa Uganda, iilang tao lang ang may sariling sasakyan. Naglalakad lang sila o kaya’y sumasakay ng taxi. Sa ngayon, ang pinaka-karaniwang taxi ay isang boda boda, isang motorsiklong madalas makita na sakay ang anim na tao nang sabay-sabay.

“Sa dilim, mapanganib sumakay sa boda boda,” paliwanag ni Sister Harris. “Tumawid sila ng Nile sakay ng boda boda sa dilim.”

Matapos lakbayin ang mapanganib na lansangan sa dilim ng gabi at gumastos nang napakalaki, dumating sina Godfrey at Maria para “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Nang gabing iyon, talagang nagpadama sila ng habag at pagmamahal. Sina Maria at Godfrey ang naglaan ng paglilingkod. “Talagang kahanga-hanga,” sabi ni Sister Harris. Iminungkahi ni Maria na lumuhod silang lahat sa panalangin. Sumali si Godfrey nang walang pag-aalinlangan.

Nagpunta sina Elder at Sister Harris sa California, USA, para dumalo sa libing ni Brad. Pagkatapos ay bumalik sila sa Uganda para tapusin ang kanilang misyon. Ngayong nakauwi na sila sa Utah, nananatili pa ring malapit sina Roland at Janet Harris kina Maria at Godfrey.

Paglilingkod ang susing makapagbubukas ng mga pintuang hindi natin kayang pasukin. Tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kapag pinawi ng taos-pusong paglilingkod ang pansariling hangarin, naisasakatuparan ng kapangyarihan ng Diyos ang Kanyang mga layunin” (“Handa at Karapat-Dapat na Maglingkod,” Liahona, Mayo 2012, 68).