2013
Ang Pag-iindex ay Mahalaga
Disyembre 2013


Ang Pag-iindex ay Mahalaga

Sa pag-iindex mas marami nang talaan ang nakukuha online para mahanap at madala ng mga miyembro ang mga pangalan ng kanilang mga kaanak sa templo.

Nakasaad sa isang maikling liham sa keyboard, “Ang computer na ito ay nakalaan kay Samuel nang alas-5:00 n.u.” Bilang tugon sa hamon ng kanyang stake president sa stake na mag-index ng isang milyong pangalan, nagsimulang gumising nang alas-5:00 n.u. ang 14-anyos na si Samuel B. ng Utah para makapag-index siya bago pumasok sa eskuwela. Sa iisang computer sa tahanan na gagamitin ng anim na magkakapatid sa paggawa ng homework, kinailangan ni Samuel na isakripisyo nang kaunti ang pagtulog para makagamit ng computer.

Ngunit nahawa ang iba pang mga kapamilya ni Samuel sa kanyang kasigasigan. Hindi nagtagal at isinakripisyo ng kapatid niyang si Nathan ang pagba-basketball at ng kapatid niyang si Ivyllyn ang pagbabasa para makapag-index. “Noon lang ako nahikayat nang husto ng mga anak ko,” sabi ng ama ni Samuel. “Noong hindi pa nila ito ginagawa, akala ko mahirap mag-index. Itinuro nila sa akin na madali iyon at masayang gawin.” Nang sumunod na Bisperas ng Bagong Taon, nagkumahog ang mga bata na tapusin ang kanilang taunang mithiin sa pag-iindex bago maghatinggabi.

Libu-libong milya mula roon, naging masigasig din sa pag-iindex ang pamilya Lanuza na taga-Guatemala. Ang pamilyang ito na may siyam na miyembro—limang anak, si Inay, si Itay, si Lola, at si Lolo—ay iisa ang gamit na computer. Dahil ginagamit ng mga anak ang computer sa paggawa ng homework, tinatapos ni Inay ang pag-aaral sa kolehiyo, at nagtatrabaho si Itay, laging ginagamit ang computer, at naghahalinhinan ang magpapamilya sa pag-iindex. Sa kabuuan, nakapag-index ang pamilya ng mahigit 37,000 talaan noong 2011.

Ang mga batang ito at ang kanilang mga kapamilya ay tumugon sa hamon ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga kabataan ng Simbahan noong Oktubre 2011:

“Maaaring isipin ng marami sa inyo na ang gawain sa family history ay ginagawa lamang ng mga nakatatanda. Ngunit alam ko na hindi sinabi sa mga banal na kasulatan o mga patakarang ipinahayag ng mga pinuno ng Simbahan na para lang sa mga nasa hustong edad ang mahalagang paglilingkod na ito. …

“Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias.”1

Mabilis at Madaling Family History

Ang pag-iindex ay isang madaling paraan para makapagsimula ang lahat sa family history at maranasan nila ang Diwa ni Elias. Ang mga pamahalaan at simbahan ay nagtago ng mga talaan ng mga tao at pamilya sa loob ng maraming siglo, ngunit ang mga talaang ito ay mahirap ma-access at matagal pagbukud-bukurin. Dati-rati, ang mga taong nahiwalay ng lugar sa mga lupain ng kanilang mga ninuno ay kinailangang lakbayin ang mga lugar na iyon at saliksikin ang mga talaan, na walang katiyakan kung may matatagpuan nga silang pangalan ng kahit isang kaanak.

Pinabilis ng paglulunsad ng FamilySearch indexing noong 2006 ang family history research. Ang mga pangalang dati-rati’y nakatago sa nakasulat-kamay na mga talaang papel at inimbak sa malalayong repositoryo ay naisalin (na-index) na at agad masasaliksik sa computer. Upang magawa ito, idina-download ng mga volunteer indexer sa mga computer sa bahay nila ang mga “batch” ng mga talaan na naglalaman ng mga 10 hanggang 50 pangalan. Ipinapasok nila ang mga pangalan, petsa, at iba pang impormasyon sa FamilySearch database, kaya nalikha ang mga searchable electronic index.

Bago inilunsad ang FamilySearch indexing, taon ang aabutin para makalikha ng isang searchable index para sa isang set lang ng mga talaan gamit ang naunang mga name-extraction technique. Ayon kay Michael Judson, isang indexing manager sa FamilySearch, 11 taon inabot ang pag-iindex ng Freedman Bank Records (mga talaan sa Estados Unidos ng mga pinalayang alipin na nagbukas ng mga bank account). Ngayon ay tinataya niya na ilang buwan na lang ito aabutin.

Ang mga volunteer sa buong mundo ay nakapag-index ng mahigit isang bilyong talaan mula noong 2006, ngunit marami pang gagawin. Bilyun-bilyong iba pang talaan ang naghihintay sa Granite Mountain Records Vault sa Salt Lake City, Utah. At bukod pa riyan ay may mga talaang matatagpuan sa iba pang mga archive sa buong mundo, na kinukunan ng retrato ng Family History Department sa bilis na mga 35 milyong digital image kada buwan.

Partikular na mga Sitwasyon, Partikular na mga Pagpapala

Sinabi ng Unang Panguluhan, “Ang mga miyembro ay hinihikayat na makibahagi sa FamilySearch indexing na mahalaga sa family history at gawain sa templo.”2 Ang mga miyembro mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay tumutugon sa payong ito at tumatanggap ng pambihirang mga pagpapala.

Ang mga Banal sa Ukraine ay nagsusumigasig na lumikha ng mga electronic index na magpapadali sa family history research sa Eastern Europe. Maganda ang ipinapakitang halimbawa ng pamilya Rudenko. Nagsasakripisyo silang magbayad ng Internet para makapag-index sila at ang kanilang mga anak ng mga pangalan. Iniiwan ni Sister Rudenko ang laptop ng pamilya sa mesa sa kusina para makapag-index siya kapag may bakanteng oras siya sa maghapon. Ipinapasok niya ang mga pangalan gamit ang isang kamay habang hawak ang sanggol na anak niya sa kabilang kamay. Naging mga regular na indexer din ang kanilang 16-anyos na anak na lalaki at 12-anyos na anak na babae, at kung minsan ay dinadalaw ng pamilya ang mga archive ng pamahalaan para saliksikin ang mga pangalan ng kanilang mga kaanak. Ang pamilya Rudenko ay regular na nagsusumite ng mga pangalan sa templo at nagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga pangalang iyon, at kung minsan ay nagpupunta sila sa templo nang maraming beses sa isang linggo.

Ibinahagi ni Sister Rudenko ang mga pagpapalang natanggap niya sa paggawa ng family history: “Naniniwala ako na pinoprotektahan tayo ng pag-iindex at paggawa ng family history. Ipinangako sa akin sa patriarchal blessing ko na ang paggawa nito ay poprotektahan ako at ang aking mga anak. Magiging malinis ang kanilang isipan, at malalabanan nila ang masasamang impluwensya ng daigdig na ito. … [Ang aking mga anak] ay may kapangyarihan ng Diyos mula sa gawaing ito.”

Natutuklasan ng maraming miyembro na ang pag-iindex ay naglalaan ng pagkakataong makapaglingkod nang makabuluhan, anuman ang kasanayan o sitwasyon. Si Malinda Perry ng Utah, USA, ay naaksidente sa kotse noong siya ay 24 anyos kaya naparalisa siya mula leeg hanggang paa. Habang gumagamay sa bagong pamumuhay na ito, ipinagdasal ni Sister Perry kung paano siya makapaglilingkod. Natanggap niya ang sagot nang bisitahin siya ni Rayleen Anderson ng stake Relief Society presidency at turuan siyang mag-index. Ngayon ay gumugugol na ng oras si Sister Perry sa computer araw-araw na may patpat na nakadikit sa kanyang kamay, na ikinikilos ito nang sapat para makapag-type. Nag-iindex siya ng isang batch ng mga pangalan araw-araw.

“Sa halip na magtuon sa sarili ko, tulad ng dati, nagtuon ako sa paglilingkod sa iba,” sabi ni Sister Perry. “Mahal ko ang Panginoon, at gustung-gusto kong ipaabot ang Kanyang mga pagpapala sa iba sa pamamagitan ng pag-iindex.”

Habang nakikinig sa isang pagtatanghal tungkol sa family history, nadama ng stake president sa Chorley, England, na si David Pickup na matutulungan ng pag-iindex ang mga miyembro ng kanyang stake na pag-ibayuhin ang hangarin nilang sumamba sa templo. Ngunit naisip niya, paano mahihikayat ng mukhang karaniwang data entry ang mga tao na magpunta sa templo?

Ipinasiya niyang subukang mag-index at nalaman niya na nakaragdag ito sa Diwa ni Elias sa kanyang buhay. Para sa kanya, ang pag-iindex ay naging isang gawaing “nagpapadalisay.” “Hindi kayo makakapag-index na ang iniisip lamang ay ang mga pangalang ini-index kundi maging ang mga pangalan ng sarili ninyong mga kaanak,” wika niya.

Hinamon ni President Pickup ang mga miyembro ng kanyang stake na gamiting paraan ang indexing para makabahagi sa gawain sa family history. Sa loob ng maikling panahon, napansin niya at ng iba pang mga stake leader ang pagdami ng mga karapat-dapat sa temple recommend at dumadalo sa sacrament meeting. Napansin nila noon na ang mga miyembrong nakibahagi sa indexing ay nagkakaroon ng hangaring dalhin ang mga pangalan ng sarili nilang mga kaanak sa templo.

Sineryoso ng labimpitong-taong-gulang na si Mackenzie H. ang hamon ni President Pickup at nagsimulang mag-index, at tinulungan niya ang kanyang mga kapatid, magulang, at lolo’t lola na gawin din ito. Wala pang dalawang taon, nakapag-index si Mackenzie ng mahigit 44,000 pangalan. Ang mas mahalaga, nahikayat si Mackenzie at ang kanyang pamilya na hanapin ang mga pangalan ng sarili nilang mga kaanak, dalhin ang mga ito sa templo, at makibahagi sa nakapagliligtas na mga ordenansa.

Natulungan ng indexing ang mga miyembro ng Chorley stake sa pagdaragdag ng diwa ng Espiritu sa kanilang buhay at pagbibigay sa kanila ng mga kagamitang kailangan nila para madala ang mga pangalan ng kanilang mga kaanak sa templo. “Hindi mo kailangang maging karapat-dapat sa templo para makapag-index,” sabi ni President Pickup, “pero kapag nag-index ka, padadalisayin ka nito, at gugustuhin mong maging karapat-dapat sa templo, at magpunta sa templo, at gawin ang gawain para sa mga ninuno mo. … Alam ko ito dahil nangyari ito sa akin.”

Ang Pag-iindex ay Tumutulong sa Lahat

Nangako ang Panginoon, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D at T 88:73). Ang pag-iindex ay isang paraan ng pagtupad ng Panginoon sa pangakong iyon. Posibleng mahanap ng mga tao ang sarili nilang mga ninuno at ipabahala sa iba ang paghahanap ng sa kanila, pero pinadadali at pinabibilis ng indexing ang family history research para sa lahat. “Ibinigay sa atin ng Panginoon ang teknolohiya para sa malalaking pagbabago sa paghahanap ng mga pangalan,” sabi ni Brother Judson. “Hindi mo lang ginagawa ang sarili mong family history ngayon; ang pag-iindex ay sama-samang pinagsisikapan para matulungan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit.”

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Ang Puso ng mga Anak ay Magbabalik-Loob,” Liahona, Nob. 2011, 26.

  2. Liham ng Unang Panguluhan, Peb. 29, 2012.