2013
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Ang Bugtong na Anak
Disyembre 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Ang Bugtong na Anak

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Larawan
Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay tinatawag na Bugtong na Anak dahil Siya ang tanging tao sa mundo na isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Minana Niya ang mga banal na kapangyarihan mula sa Diyos, na Kanyang Ama. Mula sa Kanyang inang si Maria, minana Niya ang mortalidad at dumanas ng gutom, uhaw, pagod, sakit, at kamatayan.1

Dahil si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama, naialay Niya ang Kanyang buhay at naibangon itong muli. Itinuro sa mga banal na kasulatan na “sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo,” maaaring “matamo [natin] ang pagkabuhay na mag-uli” (Jacob 4:11). Nalaman din natin na lahat ay maaaring “maibangon sa kawalang-kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan” kung tayo ay “maniniwala” (D at T 29:43).

Kapag mas lubos nating naunawaan ang kahalagahan ni Jesus bilang Bugtong na Anak ng Ama, madaragdagan ang pananampalataya natin kay Cristo. Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang paniniwala at katiyakan sa (1) Kanyang katayuan bilang Bugtong na Anak ng Diyos, (2) Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, at (3) Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.”2 Nagpatotoo ang mga makabagong propeta: “[Si Jesucristo] ang Bugtong na Anak sa laman, ang Manunubos ng daigdig.”3

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Juan 3:16; Doktrina at mga Tipan 20:21–24; Moises 5:6–9

Mula sa Ating Kasaysayan

Sa Bagong Tipan nababasa natin ang mga kuwento tungkol sa kababaihan, na may pangalan at walang pangalan, na nanampalataya kay Jesucristo, natutuhan at ipinamuhay ang Kanyang mga turo, at pinatotohanan ang Kanyang ministeryo, mga himala, at karingalan. Ang mga babaeng ito ay naging mga ulirang disipulo at mahahalagang saksi sa gawain ng kaligtasan.

Halimbawa, nagbahagi ng malakas na patotoo si Marta tungkol sa kabanalan ng Tagapagligtas nang sabihin niya sa Kanya, “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo[,] ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan” (Juan 11:27).

Ang ilan sa pinakaunang mga saksi sa kabanalan ng Tagapagligtas ay ang Kanyang inang si Maria at ang pinsan Niyang si Elisabet. Pagkatapos bisitahin ng anghel na si Gabriel si Maria, binisita ni Maria si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, “napuspos [siya] ng Espiritu Santo” (Lucas 1:41) at nagpatotoo na si Maria ang magiging ina ng Anak ng Diyos.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009), 62.

  2. D. Todd Christofferson, “Pagpapalakas ng Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Set. 2012, 13.

  3. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2–3.