2013
Ang Paglalakbay Pauwi
Disyembre 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Paglalakbay Pauwi

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kapag hindi natin alam kung saan pupunta, ipinapakita sa atin ni Jesucristo ang daan.

Umandar ang bus na sinasakyan ko pauwi mula sa trabaho tulad ng iba pa. Sa loob ng limang minuto, isinandig ko ang aking ulo sa bintana at hindi nagtagal ay inantok ako sa paghinto at pag-andar ng bus. Naninibago pa ako sa lahat ng bagong responsibilidad na kaakibat ng pag-aasawa ko kamakailan habang nagtatrabaho at nag-aaral ako nang full-time. May ilang araw na talagang nakakatulog ako sa buong biyahe sa bus papunta sa trabaho at pauwi.

Habang pagising-gising ako, nakarinig ako ng malalakas na tinig na nagbibigay ng direksyon. Di nagtagal natanto ko na kailangang bigyan ng direksyon ang bagong drayber ng bus sa bawat pagliko, bawat kalye, at bawat hintayan ng bus sa ruta nilang 50 milya (80 km).

Batid na baka mas tumagal ang biyahe kaysa sa karaniwang isa’t kalahating oras para makarating sa bahay, agad akong nainis. Marami akong naisip na hindi maganda sa kakayahan ng drayber . Ang malalakas na tinig na nagsasabi ng direksyon ay patuloy na nakaistorbo sa pagtulog ko.

Gayunman, hindi nagtagal, napansin kong natigil ang sigawan. Tumingin ako at nakita ko ang isang babae na magiliw na itinuturo sa drayber ng bus ang direksyon mula sa kanyang kinauupuan dalawang hanay mula sa kinaroroonan ko. Minasdan ko ang magiliw at mahinahon niyang pagtuturo ng direksyon sa lalaki at pagkatapos, bago bumaba, ay sinabi rito ang susunod pang ilang istasyon ng bus sa daan. Nang nasa bahay na ako, binagabag ako sa pamimintas ko kumpara sa mahinahong pagtuturo ng direksyon ng babaeng iyon.

Natanto ko na kagaya ako ng drayber ng bus—hindi ko rin alam ang landas na tatahakin ko sa buhay katulad ng drayber ng bus na hindi alam ang bago niyang ruta. Kapwa kami nasa di-pamilyar na daan. Tiyak ko na nagpapasalamat siya na may isang tao na nakaraan na sa landas na iyon na handang magbigay ng direksyon papunta sa patutunguhan niya.

Ganito rin ang ginagawa ni Cristo para sa atin. Kapag hindi natin alam kung saan tayo pupunta, ipinapakita ng Kanyang halimbawa ang daang tatahakin natin. Kapag may mga tanong tayo, magiliw Niya tayong sinasagot. Ilang beses Niya tutugunan, kahit pagod sa mahabang paglalakbay, ang mga pangangailangan ng iba?

Mula noong araw na iyon, nagkaroon kami ng ilang bagong drayber ng bus. Paminsan-minsan ay kailangan nilang maturuan nang kaunti sa direksyon, at salamat sa halimbawang ipinakita sa akin ng isang butihing babae at ng ating Tagapagligtas, at nakahanda akong tumulong.