2013
Higit pa sa Isang Sidekick
Disyembre 2013


Higit pa sa Isang Sidekick

Akala mo ba sinasamahan mo lang ang iba pagdating sa home teaching? Mag-isip ka ulit.

Larawan
Young man with shovel.

“Alam ko kung paano maging kaibigan at maging home teacher. Gustung-gusto kong alamin kung ano ang magagawa ko para matulungan ang iba.”

Paglalarawan ni Sal Velluto

Nabasa mo na ito sa mga nobela o napanood na sa mga pelikula nang maraming beses. May malaki at nakakatakot na pangyayari na nagbabanta na animo’y madilim na ulap sa di-kalayuan. Tila hindi na maiiwasang maganap ang isang kalamidad. At biglang dumating ang bida na lulutas sa lahat ng problema at aayusin ang lahat.

Ang gayong mga bida ay madalas na may kasamang sidekick. Karaniwan ay may kaunting galing ang tauhang ito, pero naroon lang siya para tulungan ang bida pagdating ng mga kontrabida.

Bilang isang junior companion sa home teaching, maaaring hindi mo maiwasang isipin na sidekick ka lang ng kompanyon mo. Kunsabagay, nasa hustong gulang na ang kompanyon mo at mas maraming karanasan kaysa sa iyo. Kaya siya na dapat ang bahalang mag-ayos ng lahat, tama ba?

Hindi pa rin.

Pagdating sa home teaching, wala yaong sinasabing superhero (nakatatandang kompanyon mo) at kanyang sidekick (ikaw)—kundi dalawang superhero na talagang magkatuwang na babaguhin ang mundo.

Kahit sino ka man at anuman ang iyong katayuan, nasa iyo mismo ang katangiang kailangan para magbigay ng malaking kaibhan sa buhay ng mga taong binibisita ninyo.

Walang Higit na Dakilang Tungkulin

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Walang higit na dakilang tungkulin sa Simbahan kaysa sa pagiging home teacher.”1

Hindi lamang pagbabahagi ng espirituwal na mensahe ang ibinabahagi ng mga home teacher. Tinutulungan nila ang bawat pamilya na malaman na may mga kaibigan silang maaasahan.

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang isang kaibigan ay hindi lang bumibisita buwan-buwan bilang kanyang tungkulin. … Ang kaibigan ay kumakalinga. Ang kaibigan ay nagmamahal. Ang kaibigan ay nakikinig. At ang kaibigan ay dumadamay.”2

Ang magandang pagkakaibigan, mangyari pa, ay maaaring mabuo anuman ang inyong edad.

Paglilingkod Bilang Kaibigan

Alam ni Sean C., isang 16-anyos mula sa katimugang Utah, USA, kung paano maging kaibigan at maging home teacher. Maraming kinahihiligan si Sean tulad ng rodeo, wrestling, pag-aalaga ng mga baka, at pagkukumpuni ng mga kotse. Gusto rin niyang makipagkaibigan sa mga taong binibisita at tinuturuan niya.

“Gustung-gusto kong nakikipag-usap sa mga tao at inaalam ang maitutulong ko sa kanila,” sabi ni Sean.

Ang kanyang kompanyon sa home teaching ay ang bishop ng kanilang ward. Sa isang tahanan na binibisita nila, ang babae ay miyembro ng Simbahan pero ang asawa niya ay hindi. Kinaibigan ni Sean ang lalaki, si Floyd, sa una pa lang nilang pagbisita. Nang magkuwento si Floyd tungkol sa kanyang Jeep, biglang naging interesado si Sean. “Nagkapalagayan lang kami ng loob,” sabi ni Sean.

Sa taong iyon na binisita nina Sean at bishop si Floyd at asawa nito, napatibay ni Sean ang pagkakaibigang iyon—kabilang na ang pagtulong kay Floyd sa pagkumpuni ng mga makina paminsan-minsan.

Ang isa sa mga paboritong banal na kasulatan ni Sean ay tungkol sa paglilingkod: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Ipinaliwanag ni Sean, “Kailangang humanap ng paraan ang lahat para makapaglingkod.”

Ang Inyong Espirituwal na mga Kaloob

Lahat tayo ay may espirituwal na mga kaloob at talento. Bukod pa rito, may kakaibang mga interes at libangan tayo. Bawat isa sa atin ay may espesyal na bagay na magagawa na hindi kayang gawin ng iba sa gayunding paraan.

“Bawat tao ay kaiba at makagagawa ng iba-ibang kontribusyon,” ang turo ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Walang taong nakatakdang mabigo.”3 Ang home teaching ay maaaring maging oportunidad para sa inyo na gamitin ang mga kaloob na iyon para sa kapakanan ng iba.

Halimbawa, kapag ikaw na ang magbabahagi ng espirituwal na mensahe, maaari mong ipagdasal muna kung ano ang sasabihin mo na lubos na makakatulong sa mga taong binibisita mo.

Kadalasan, mayroon kang personal na karanasan sa paksang tatalakayin na maaari mong ibahagi sa pamilya. Hayaang magliwanag ang inyong ilaw! Ibahagi ang nalalaman ninyo.

Makakahanap din kayo ng maganda at makabuluhang mga paraan para mapaglingkuran ang mga pamilyang binibisita ninyo. Halimbawa, kunwari’y gustong matutong maggitara ng isa sa mga binibisita ninyong pamilya. Nagkataon naman na matagal ka nang tumutugtog ng gitara. Sa ganitong sitwasyon, ang paminsang-minsang pagbibigay ng kaunting tip sa musika ay maaari ding makatulong na gaya ng pagpapala ng niyebe sa garahe nila o pagputol ng nakausling mga sanga ng kanilang mga puno.

Pagdating sa home teaching, maaaring napakalakas nga ng espirituwalidad ng senior companion mo. Pero huwag kang magkakamali. Ikaw ay anak ng Diyos at kaya mong gampanan ang responsibilidad mo bilang home teacher.

Lagi kang may makabuluhang bagay na maiaambag.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, “To the Home Teachers of the Church,” Ensign, Mayo 1987, 50.

  2. Thomas S. Monson, “Home Teaching—a Divine Service,” Ensign, Nob. 1997, 47.

  3. Henry B. Eyring, “Tulungan Silang Magtakda ng Mataas na Mithiin,” Liahona, Nov. 2012, 60.

  4. Linda K. Burton, “Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod,” Liahona, Nob. 2012, 78.