2013
Ang Tanawin mula sa Dulo ng Daan
Disyembre 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Ang Tanawin mula sa Dulo ng Daan

Larawan
Elder Bradley D. Foster

Ang mensahe mula sa dulo ng daan ay malinaw: “Magagawa mo ito. At kapag ginawa mo ito, magiging mas maayos ang lahat.”

Larawan
drawing of young man looking down a road

Paglalarawan ni Greg Newbold

“Hindi ko kayo kailanman malilimutan, bishop. Iniligtas ninyo ang buhay ko.”

Ang taong nagsasabi ng pahayag na iyan ngayon, ay hindi ganoon ang nadama noong una. Noong tinedyer pa lang siya, natakot siya. Alam niyang kailangan niyang magsisi. Ako ang bishop niya noong panahong iyon, at alam niya na kailangan naming mag-usap. Ngunit puno siya ng pag-aalinlangan.

“Ano ang iisipin sa akin ni Bishop?”

“Pananatilihin ba niyang kumpidensyal ito?”

“Paano pa ako makakatingin ulit sa kanya?”

Ang gayong pag-aalala ay maaaring makapagpahirap sa inyo nang lubos, kaya’t tila halos imposibleng magkaroon ng lakas ng loob na kailangan para matahak ang landas ng pagsisisi.

Pagtanaw sa Daan

Ngunit tingnan natin ang daang iyon. Ang ilang bahagi ng pagsisisi ay mas madali kaysa iba. Ang isang hakbang ay pagkilala. Karaniwang alam natin kapag may ginagawa tayong mali; tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na madama iyan. Dapat tayong magbago, at kadalasan ang hangaring magbago ay masidhi.

Pagkatapos ay pahirap na nang pahirap ang susunod na mga hakbang. Sinabi ng Panginoon na dapat nating ipagtapat at iwaksi ang kasalanan. Tila madaling magtapat sa Ama sa Langit sa ating mga panalangin. Maaari nating itama ang maraming kasalanan sa ganitong paraan, hangarin na mapatawad, gumawa ng pagsasauli, at baguhin ang pag-uugali hanggang pagtibayin ng Espiritu na nagawa natin ang lahat ng makakaya natin.

Ngunit may ilang pagtatapat na kailangang sabihin sa bishop o branch president ninyo. At iyan ang naging sitwasyon ng binatilyong ito. Kailangan niya ng tulong nang higit pa sa kakayahan niya, at kailangan niyang malaman na posible ang paglalakbay sa landas ng pagsisisi.

Pag-asa sa Gitna ng Paglalakbay

Yaong mga naglakbay sa landas ng pagsisisi ay sasabihin sa inyo na hindi lamang posible ang paglalakbay kundi pagdating ninyo roon at lumingon kayo ay ito ang makikita ninyo:

Magagawa mo ito. At kapag ginawa mo ito, magiging mas maayos ang lahat.

Iniutos sa atin ng Panginoon na magsisi dahil mahal Niya tayo. Sa Kanyang Pagbabayad-sala, pinagdusahan Niya ang ating mga kasalanan, kaya alam Niyang palalayain tayo ng pagsisisi. Palalakasin niya ang sinumang bumabaling sa Kanya. Itinuro ni Alma na upang mapagpala ng Pagbabayad-sala, kailangan nating magsisi—bawat isa sa atin (tingnan sa Alma 5:33–34). Maaaring mahirap ang daan, ngunit sasamahan kayo ng bishop sa pagtahak sa daang iyan. May tutulong habang kayo ay nasa daan.

Sa sandaling magsimula kayo, madarama ninyo ang kapanatagan.

Bumaling sa inyong bishop. Makikita ninyo ang isang taong nagmamahal sa inyo at gumagalang sa inyo. Magkakaroon kayo ng malaking tiwala sa inyong bishop. Mananatili ito magpakailanman, at tutulungan kayo nito na mapanatag sa ibang mga bishop sa hinaharap. Magkakaroon kayo ng ibang pananaw sa mahihirap ninyong sitwasyon. Sa kanyang karunungan at karanasan, at inspirasyon mula sa Panginoon, ipapakita sa inyo ng bishop na ang inaakala ninyong napakabigat na problema ay napakasimple lang pala.

Tutulungan niya kayong lubos na maunawaan na ang Tagapagligtas ang Ilaw ng Sanlibutan. Sa pagiging marapat sa Pagbabayad-sala, magiging masigla ang inyong buhay, mapupuno ng pangako ang inyong bukas, at mauunawaan ninyo na ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay isa sa mga dakilang layunin ng buhay sa mundo.

Tutulungan kayo ng bishop ninyo sa pamamagitan nito. Mamahalin ninyo siya at hindi kailanman malilimutan.

Matibay ang paniniwala ko na ang mga taong tumutulong sa inyo sa oras ng krisis ay nagiging malapit sa puso ninyo. Gaano pa kaya kayo napapalapit sa inyong bishop na tumutulong sa inyo sa espirituwal na krisis? Mapaiigting ng Panginoon ang kabaitan at kakayahan ng bishop na gabayan kayo. Ang inyong bishop ay magiging kaibigan ninyo magpakailanman.

At sa inyo mga kabataang lalaki na balang araw ay magiging bishop o stake president, ang mga naging karanasan ninyo sa inyong bishop ang magtuturo sa inyo para sa panahong iyon na kayo naman ang nasa kabilang panig ng mesa.

Magtatapos ako sa pagsasabi sa inyo ng naging pag-uusap pa namin ng binatilyong iyon. “Bishop,” sabi niya, “mamumuhi ka sa akin sa sasabihin ko po sa iyo. Maiiba na po ang pagtingin mo sa akin, at kapag ikinuwento mo sa sinuman ang ang sasabihin ko sa iyo, magpapakamatay ako.”

Sabi ko, “Ipinapangako ko na hindi ko sisirain ang pagtitiwala mo. Ililihim ko ito magpakailanman.”

Ikinuwento niya sa akin ang ilang maliliit na sitwasyon at minasdan ang reaksyon ko. Nang sabihin kong, “Alam ko kung ano ang pinagdaraanan mo. Matutulungan kita,” nagpatuloy siya nang unti-unti hanggang sa makarating siya sa talagang gusto niyang sabihin. Ipinaalala ko sa kanya nang paulit-ulit na hinahangaan ko siya sa kanyang pagtatapat at pagnanais na magbago. Kahit tila gusto na niyang tumigil sa pagtatapat anumang sandali, pinagtulungan naming masabi niya ang kailangan niyang sabihin.

Mabigat ba ang sitwasyon? Oo, sa kanya. Ngunit habang nag-uusap kami, mas naunawaan niya ang awang ibinibigay ng Panginoon sa mga taong taos-pusong nagsisisi. Matapos ang unang pag-uusap na iyon, nagtulungan kami, at kalaunan naging ganap na ang kanyang pagsisisi. Hanggang ngayon ay tinatawagan pa rin niya ako para mangumusta, at laging masaya ang pag-uusap namin.

Nagkaroon ako ng pribilehiyong tulungan siya na malaman na lahat tayo ay umaasa sa Pagbabayad-sala. At kasama niya akong pumupuri kay Jesucristo, na Siyang talagang nagligtas sa kanyang buhay.